Advertisers
MAARING magamit ng administrasyong Duterte ang P20 bilyon sa P5.024 trillion 2022 national budget.
Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara makaraang ianunsiyo ng Pangulong Duterte na maaring mahirapan ang pagbibigay pa ng pondo para sa biktima ng nagdaang bagyo dahil ubos na ang kaban ng bayan dahil sa pagtugon sa pandemya.
Sinabi ni Angara, chairman ng Senate Committee on Finance kapag napirmahan na ni Pangulong Duterte ang 2022 budget ay may P20 bilyon na maaring magamit pangtulong para sa pagbangon ng mga biktima.
“Pag napirmahan na ni PRRD ang 2022 budget, merong over P20-B na magamit para tumulong sa nasalanta at mga nawalan ng bahay at hanapbuhay,” paliwanag ni Angara.
Dagdag pa ng senador, maari rin magamit ng administrasyon ang ‘savings’ sa kasalukuyang budget at kailangan lang ay ‘realignment’ para makatugon pa ang gob-yerno sa nagdaang kalamidad.
Ipinaliwanag ng senador na naaayon naman sa Saligang Batas ang ‘budget realignment’ at bahagi ito ng kapangyarihan ng pangulo ng bansa.
Una nang nangako rin si Pangulong Duterte na bibigyan ng ayuda ang lahat ng mga biktima ng bagyong Odette at ang pondo ay magmumula sa Office of the President.
Nilinaw din niya na ang ibibigay na ayuda ay hindi calamity o contigent fund at agad din itong ipapamahagi. (Mylene Alfonso)