Advertisers

Advertisers

Responde sa unos

0 1,779

Advertisers

MULING nagparamdam si Inang Kalikasan sa paghagupit ng bagyong Odette sa malaking bahagi ng bansa upang paalalahanan ang tao na dapat pangalagaan ang kaligiran. Walang magagawa ang ano mang uri ng teknolohiya upang mapigilan ang pagpalo ng kalikasan sa mga talipandas na sumisira sa likas na pag-aari. Ang masakit nito, sa pagbalik ni Inang Kalikasan sa mga gumawa ng kahalayan sa kanyang pag-aari, wala itong sisinuhin at dapat managot ang gumawa ng mali at sa mga walang ginawa upang pigilan ang pang-aabuso

Ano man tatag ng mga itinayong mga gusali’y walang magagawa sa lakas ng balik ng hangin na may tubig ulan na humuhuni’t dama ang ngit-ngit na ginigiba ang mga gusali o ano imprastraktura. Sa pagkakagiba, tila ipinapakita na hindi ito ang dapat sa lugar na tinayuan na kahit may kagandahan ang pagkakatayo, malinaw na hindi payag si Inang Kalikasan. Ang masaklap, may mga buhay ang nabuwis na lubhang mahalaga sa kani-kanilang pamilya.

Muli, dapat pulutan ng aral ng mga tao ang mga kalamidad na naganap na inaasahan higit sa mga naapektuhan. Simulan lumapit sa pamahalaan na ito ang tamang oras na bigyan pansin ang pangangalaga ng kalikasan at ng maging ganti kapakinabangan sa halip na pagkakasira’t pagkawala ng buhay. Ilang panahon na ang lumipas hindi lang bagyo ang dumalaw sa bansa na tunay na pagpapaluhod sa maraming kabuhayan ng maraming kababayan nating naiipit sa kagahaman ng iilan. Walang pasubali kung wasakin ang kalikasan sa pagkamit ng sariling kagalingan.



Nariyan na ipinapatag ang kabundukan, iligal na pagmimina’t pagtotroso, tinatakpan ng lupa ang karagatan at mga kanal na daluyan ng tubig sa kalunsura’y ‘di na makita dahil natakpan na ng mga gusali na tirahan ng sakim na iilan. Paano na ang bayan, paano na si Mang Juan, saan tatakbo sa oras ng kagipitan? Lalo’t napapadalas ang dalaw ni Inang Kalikasan upang magbigay babala sa ginagawa ng tao.

Sa pagdalaw ni Inang Kalikasan upang ipadama ang labis na nahuhumaling ng tao sa kaunlaran at nakalimutan ang ibang nilalang na kasama sa likhang mundo. Sa pagbabalik ni Inang Kalikasan walang layon kundi ibalik ang sa kanya, sa ibang nilalang na kinalimutan ng tao na kasabay na nanirahan sa daigdig. Ang masakit mukhang hindi natutunan ng tao, hindi lang si Mang Juan maging sa ibang bahagi ng mundo na kung dalawin ng unos ay halos ikasira ng mga naitayong pasilidad na sa kapakinabangan ng sangkatauhan ngunit ‘di ng ibang nilalang.

Ang pag-isipan na balik kalikasan ang dapat isagawa ng tao sa kaligiran ng ‘di unos ang isukli ni Inang Kalikasan sa halip ang serbisyo, pangangalaga at pakinabangan sa mga taong naninirahan dito. Panahon na rumisponde sa taghoy ng kalikasan na bigyan pansin ang kanyang kagalingan. Respondeng sa kagalingan ng kalikasan na may pakinabang ang sanlibutan at sangkatauhan.

Ang pagdalaw ni Inang Kalikasa’y hindi upang gibain o sirain ang relasyon sa sangkatauhan kundi ang ipaalala na dapat na galangin ng tao ang presensiya ng lahat ng ginawa ni Bathala at ang pag-unlad ng sanlibuta’y di lang para sa tao, sa halip tingnan ng buo ang kapakinabangan. Huwag ilayo ang pangangailangan ng ibang nilikha sa kaunlaran na ibig ng tao lalo ng iilan.

Ang kapakinabangan pang matagalan ang isagawa ng ‘di madalas ang pagpasok ng unos sa iisang mundo. Matuto na ang tao sa aral ng kalikasan na kung nagalit tiyak unos ang dala at di kapakinabangan. Huwag alisin sa pandama na pansamantala ang tao sa mundo ngunit kailangan alagaan para sa kapakinabangan ng mga anak, apo at salinlahi ng sangkatauhan.



Sa kabilang banda ng kaganapan, silipin kung paano kumilos o rumesponde ang tao sa unos na masasabing kagagawan din nito. Sa ngayon, malinaw na ang kilos nito’y nakatali sa pagbibigay ng mga relief goods, maibalik ang serbisyo ng ilaw, tubig, komunikasyon at ibang serbisyo ng pag-unlad na nagtali sa tao. Ang mga papoging responde ang makikita sa ano mang uri ng media na ang pagdadala sa sarili ang una ng makita ng bayan.

Ang oplan pakilala na karaniwang galaw ng mga politiko’y ang siyang binabalatay upang makita maging ng ‘di nasalanta ng unos ng masabi na ang mga taong ito ang tunay na may puso sa kapwa. Subalit, ang panlililo’y huwag ipakahulugan na dalisay ang layon para sa bayan at kalikasan. Ang uri ng pagtulong na panandalia’y tunay na walang kapakinabangan dahil babalik at babalik ang larawang sa iba’t ibang anyo at iba’t – ibang tagapagpaganap ngunit hindi na solusyunan ang malalalim na usapin. Sa totoo lang, ang pakinabang sa mga taong manlililo’y nagsisimula’t nagtatapos sa oras na iyon, paano si Inang Kalikasan?

Silipin ang uri ng lider na mayroon ang bansa, karaniwang nakatutok sa pakinabang pansarili at bihira ang makatagpo na tumitingin sa kapakanan ng kapwa. Madalang sa patak ng ulan na magkaroon ng pangunahing lider na tumitingin sa kagalingan ng kapwa lalo ng mahihirap. Hindi nagkakaroon ng puwang sa puso ang pag-ahon ni Mang Juan dahil sa kabawasan sa pakinabang.

Hindi pa nagbaliktad ang tatsulok na ang mga pinaghaharian ang kumukumpas sa kagalingan ng nakararami. Ang kasalukuyang kaayusan ng buhay ang kaayusang pangmatagalan subalit huwag alisin sa isipan na ang kagalingan ng nakararami ang dapat. Ang kagalingan ni Inang Kalikasa’y ilakip sa bawat balakin na masiguro ang pang matagalang pakinabang. Ang pakinabang ng tao sa kalikasa’y huwag alisin sa kilos at galaw, nakita na ang bait at lupit ni Inang Kalikasan sa maraming pagkakataon. Ang pagtugon o responde sa kalikasa’y nangangailangan ng pangmatagalang pakinabang hindi lang sangkatauhan ngunit ng lahat na nilalang.

Kay Mang Juan at sa balana ang nalalapit na palitan ng mga pinunong bayan, marami ang lalapit sa inyo at hihingi ng basbas upang kayo’y serbisyuhan. Sa pagtanggap ng ayudang dapat lakipan ng tanong kung ano ang gagawin ng mga ito sa kagalingan pang matagalan pakinabangan sa hanay ninyo at ni Inang Kalikasan. Ang malalakas na unos na taon taon na lang na dumadalaw sa bansa’y tila nagiging karaniwan na pag-aabot ng ayuda ngunit walang solusyon na inilalatag upang mapigilan ang unos na suki ng bayan. Ang paggamit sa kaban bayan upang itulak ang kanilang interes ang larawan ng kawalang malasakit ng mga ito sa tunay na kalagayan.

Ang pagdalaw sa inyong kasalukuyang kalagayan ang tunay na larawan na papogi na walang laman. Ang serbisyong tunay ‘di ang dagliang tugon sa halip kalakip nito ang pang mahaba ang solusyon. Kung ang dating sa inyo ng kanilang serbisyo’y responde tiyak na basbas ninyo ang hanap nito at hindi ang pang matagalang pakinabangan ng sambayanan at ng kalikasan. At kung ang laman ng katugunan na dama at galing sa kapusukan, ang suklian ng karapat dapat na basbas ang ibigay. Kapag inuna ang kagalingan ng sambayanan, huwag itong hayaan at dapat ipaglaban. Ang may dala ng sangkatutak na tagapagbalita’y asahan na bola ang lamang at malamang patalbugin ang pangangailangan ninyo na pangmatagalan. Ang rumesponde sa unos huwag paniwalaan ng lubos dahil baka kayo maubos. Ang tunay na serbisyo’y hindi panandalian sa halip ito’y pangmatagalan at mahal ni Inang Kalikasan.

Maraming Salamat po!!!