Advertisers
MATINDING trahedya ang inabot ng isang pamilya nang sama-samang namatay sa sunog ang tatlong paslit na magkakapatid sa San Carlos City, Negros Occidental noong Disyembre 21, ilang na lamang bago ang Pasko.
Ayon sa ulat, ang mga batang biktima ay edad 9, 7, at 3 anyos.
Wala ang ina ng mga bata sa bahay nang maganap ang sunog na tumupok sa 14 bahay sa Sitio Troso, Barangay Buluangan, San Carlos City.
Sinabi ni Fire Officer 2 Neil Bandillo, arson investigator ng San Carlos City Fire Station, na nag-umpisa ang sunog 8:15 ng gabi sa kuwartong tinutulugan ng magkakapatid.
Tinangka pa ng mga kapitbahay na iligtas ang mga bata pero malaki na ang apoy.
Nabatid na dalawang kandila na hindi nabantayan ang naging mitsa ng sunog.
Wala pang kuryente sa naturang barangay dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Odette kaya kandila lamang ang nagiging ilaw ng mga residente.
Labindalawang bahay ang nilamon ng apoy at dalawa naman ang bahagyang napinsala sa naturang sunog.