Advertisers
PINALALABAS na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Executive Secretary na ilabas na ang P4 billion mula sa pondo nito para sa mga local government units (LGUs) na sinalanta ng Bagyong Odette.
Pahayag ng opisina ni Senador Bong Go, inatasan din ng Pangulo ang pag-download ng pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para masuportahan ang programa ng kagawaran sa pagbibigay ng P5,000 cash assistance sa bawat bahay na apektado ng super typhoon.
Ginawa ni Duterte ang direktibang ito sa kanyang pagbisita noong Miyerkules sa Siargao at Dinagat Islands.
Hiniling din ng Pangulo sa Department of Energy na himukin ang mga may-ari ng gas stations sa mga apektadong lugar na mag-resume na ng kanilang operations.
Inatasan din ang National Housing Authority and the Department of Human Settlements and Urban Development na magbigay ng construction materials sa mga biktima ng bagyo.
Noong Disyembre 20, nakipagpanayam din si Pangulong Duterte sa mga local leaders sa Negros Occidental, Negros Oriental, at ilang mga Cabinet members sa Kabankalan City.
Tiniyak ng Pangulong Duterte sa mga ito na handa ang gobyerno na tugunan ang pinsalang idinulot ng Bagyong Odette sa mga apektadong lugar. (Vanz Fernandez)