Advertisers
ANG bigwas ng kalikasan ay hindi kayang pigilan, pero napaghahandaan at maaring maiwasan ang sakunang dala nito.
Tulad ng bagyo. Nakikita ito ng weather forecasters kung kailan darating at kung gaano kalakas.
Mabibigyan ng babala ang mga mamamayan sa lugar na dadaanan ng bagyo.
Makapaghahanda ang gobierno para sa rescue at relief operations.
Kahit ang pagputok ng bulkan. Nababasa ito ng mga taga-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). That means maiiwasan ang sakuna pag pumutok ang bulkan.
Ang hindi lang mabasa ng mga taga-Department of Science and Technology (DOST) ay ang paggalaw ng lupa, lindol. Bulag sila rito. Si Pastor Quiboloy lang ang nakakapigil nito. Hehehe…
Kung maagap ang LGU sa pagpaalam sa kanilang constituents tungkol sa darating na kalamidad, maliban sa lindol, maiiwasan ang pagkawala ng maraming buhay. Okey lang ang mawasak ang tahanan, maitatayo ito, pero ang buhay kapag nawala ay hindi na maibabalik kailanman. Mismo!
Dapat ang bawat local government unit na prone sa malalimang pagbaha ay magkaroon na ng matibay na evacuation center sa mataas na lugar. Pilitin ang mga re-sidente na mag-evacuate kapag may parating na bagyo.
At ang national gov’t. ay atasan na ang DSWD para maghanda ng ayuda sa mga erya na dadaanan ng bagyo, hindi iyong saka lamang kikilos kapag nananalasa na ang bagyo.
Tulad dito sa nagdaang bagyong Odette. Ibinalita na ang parating na malakas na bagyo pero hindi parin kumikilos ang gobyerno, dedma ang mga LGU. Tapos iaanunsyo pa ng presidente na wala nang pera para sa ayuda dahil naubos na sa Pharmally, ehek! sa pandemya pala. Hehehe…
Dahil sa napaka-lausy ng ating mga halal na opisyal, napakaraming buhay ang nawala sa bagyong Odette, nasa 400 na yata, ayon sa ulat ng Philippine National Police.
Mabuti lamang at panahon na ng eleksyon. Nandiyan agad ang mga kandidato para mamahagi ng mga ayuda hanggang sa mga liblib na erya na winasiwas ng bagyo. Paano kung malayo pa ang halalan? Nganga ang mga sinalanta ni Odette. Mismo!
Anyway, pinupuri natin si Vice President Leni Robredo na simula’t sapul nang maluklok sa puwesto ay laging nauuna sa pagbisita at pagpadala ng ayuda sa mga lugar na dinaanan ng kalamidad.
Saluduhan din natin sina Senador Manny Pacquiao, Senador Bong Go at dating Senador Bongbong Marcos sa pagpadala ng relief goods at importanteng mga gamit sa mga sinalanta ni Odette.
Pasalamatan din natin ang mga bansa na nagpadala ng tulong tulad ng US, EU at China. Mabuhay!
Uulitin natin: Ang anumang kalamidad, maliban sa lindol, ay maiiwasan kapag maagap ang pamahalaan. Mismo!
***
Patuloy tayong binabaha ng text reactions sa survey natin sa Maynila kung sino ang ihahalal ng Manilenyo kapag ni Yorme Isko sa 2022.
Nangunguna parin si Atty. Alex Lopez, anak ni late ex-Mayor Mel Lopez, laban kina Vice Mayor Honey Lacuna, Amado Bagatsing, Elmer Jamias at Cristy Lim.
Text n’yo pa ako kung sino ang choice nyo, Manilenyo!