Advertisers
MANGINGIBABAW si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa 2022 Presidential race kung magpapasya ang Commission on Elections (COMELEC) pabor sa mga petisyon laban kay Ferdinand Marcos, Jr.
Ito ay batay sa resulta ng katatapos lang na survey na isinagawa ng Pulse Asia, simula Disyembre 1 hanggang 6 sa 2,400 kalahok na may edad 18 pataas.
Lumalabas na si Lacson ang alternatibong kandidato sa pagka-presidente na iboboto ng mga botante sa Metro Manila at Luzon kung hindi na matutuloy ang kandidatura ng kanilang unang napiling kandidato.
Ito ay batay sa tanong sa mga kalahok: “Kung ang pinili niyo bilang presidente ng Pilipinas ay hindi na magpatuloy bilang kandidato sa pagkapresidente, sino naman ang inyong iboboto kung ang eleksyon ay gagawin ngayon at nagpatuloy na kumandidato ang iba pang nasa listahang ito?”
Sa nabanggit na katanungan, si Lacson ay nakapagtala ng mula 19 hanggang 20 porsiyentong katugunan buhat sa kabuuan bilang ng mga natanong sa surbey.
Para naman sa mga kandidato ng bise presidente, si Sotto ang nanguna sa mga second choice, nahakot niya ang 32% ng mga botante. Sumunod kay Senate President si Senador Kiko Pangilinan (16%) at pumangatlo si Davao City Mayor Sara Duterte (13%).
Sa kabila nito, naninindigan parin ang tambalan ng dalawang batikang mambabatas na hindi basta magbabase sa resulta ng mga survey at magpopokus lang sa pagpapakilala ng kanilang sarili at mga plataporma sa taumbayan.
“If you notice, laging dialogue ang gusto namin kasi panahon na para i-inculcate naman natin sa mind ng ating electorate na hindi biro-biro ‘yung problema ng ating bansa. Hindi ‘to makukuha ng pa-TikTok-TikTok o kaya kung ano mang mga entertainment,” sabi ni Lacson.
Sa mga “Online Kumustahan” ng Partido Reporma, laging isinasantabi nina Lacson at Sotto ang pagbibigay ng negatibong komento hinggil sa mga kapwa kandidato para sa Halalan 2022, kabilang na ang isyu ng diskuwalipikasyon ni Marcos Jr.
Para kay Sotto, “‘Yung mga survey is just a snapshot of that day…It would change the following day. So, okay ‘yung surveys—I believe in surveys because you will use it as a guide.”
Sa panig ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno na campaign manager ng Lacson-Sotto tandem, walang ibang direksiyon na tatahakin ang mga nasa baba ng surbey kundi ang tumaas.
“Sa survey, nalalagay tayo sa baba. Pero ang nasa baba, walang pupuntahan kundi pataas,” ayon kay Puno. Ang sabi nila nakagawa daw ako ng tatlong Presidente. Sana sinabi nila apat: Ping Lacson.”