Advertisers
ANIM katao ang sugatan nang pagbabarilin ang mga ito ng tatlong opisyal ng Philippine Army (PA) nang mambato ang mga biktima habang nag-iinuman ang mga sundalo sa Taguig City nitong Pasko.
Sanhi ng tama ng bala sa katawan buhat sa M-16 armalite, nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati at Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktimang sina Edsel Hecita Polo, 28 anyos; JD Umbaro Navales, 24; John Carl Marca Sabino, 18, at tatlong menor de edad na nasa 17, 16 at 14-anyos.
Nasa custody naman ng Taguig City Police ang mga sa-larin na sina Captain Nheijay Maguddayao Garcia, 31, nakatalaga sa Command and Control Training and Doctrine, Capaz, Tarlac; 2nd Lt Felomino Maguddayao Garcia, 30, nakatalaga sa Support Group, Fort Bonifacio; at 1st Lt Minalyn Awat Ladyong, 29, nakatalaga sa Army Signal Regiment, Fort Bonifacio.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente 3:00 ng madaling araw ng Pasko sa Phase 163, Wild cat Village, Barangay Pinagsama, Taguig City.
Nabatid na habang nag-iinuman ang mga sundalo, nambato umano ang mga biktima na ikinagalit ng mga ito. Kung kaya’t pinaulanan nila ng bala ang mga biktima.
Mabilis na dinala ang mga biktima sa nabanggit na mga ospital at ang mga sundalo ay inaresto ng rumispondeng mga tauhan ng Taguig City Police. (Gaynor Bonilla/Mark Obleada)