Advertisers

Advertisers

Nangutang sa online lending, binantaan at ipinahihiya

0 327

Advertisers

TAKOT at kahihiyan ang nararamdaman ngayon ng isang babae matapos pagbantaan ng isang online lending ang kaniyang buhay nang hindi siya makabayad ng utang. Ang online lending ay posible namang maharap sa kaso.

“Sabi po nila sa akin wala na raw pong dapat pag-usapan pa, pinatrabaho na raw po nila ako. Maghintay nalang daw ako, bubulagta nalang daw po ako. Mamamatay nalang daw po ako, hindi ko pa malalaman,” kuwento ni “Aiza”, hindi niya tunay na pangalan, sa “Dapat Alam Mo!”

Nagkakahalaga lamang ng P2,000 ang perang hiniram ni Aiza na gagamitin sana niya sa pang-araw-araw na gastusin sa bahay.



 

“Naa-advertise po siya roon tapos kinlik (click) ko po siya. Ang [hiningi] po sa akin ‘yung name, address, location, valid ID. Nakalagay naman daw po ‘yun, safe naman daw po na ibigay sa kanila ‘yung information,” sabi ni Aiza.

Matapos magpasa ng kaniyang larawan, nakatanggap si Aiza ng mensahe na hinihingi ang kaniyang Facebook account. Pinahintulutan din ni Aiza na ma-access ng app ng online utangan ang kaniyang phone directory.

Base sa kanilang napagkasunduan, kailangang bayaran ni Aiza sa loob ng isang linggo ang P2,000 na kaniyang hiniram sa online utangan, na may tubong P1,820. Kailangang magbayad ni Aiza suma-total ng P3,820.

Kung hindi niya ito mabayaran matapos ang isang linggo, tutubo pa ito ng 13% kada araw.



Hindi paman nakalalampas sa itinakdang araw na palugit, nakatanggap na ng blast text pati ang mga kakilala ng biktima.

“Nakiusap po ako, ‘Puwede po bang kalahati?’ sabi ko pong gano’n. Sabi niya ‘Ay hindi, hindi. Sinungaling ka!’ ‘Scammer ka, magnanakaw ka,’ ginanu’n na po ako niya,” ani Aiza.

“‘Scammer at magnanakaw.’ Mag-ingat nga raw sa taong ito tapos binanggit ‘yung buong pangalan niya,” sabi ni “Jenny,” hipag ni Aiza na nakatanggap ng blast text.

Nakatanggap din ng mga babala maging ang mga ahensiya na nag-aayos ng papeles ni Aiza para sa trabaho abroad.

Naging mas malala pa ang sitwasyon para kay Aiza nang takutin din siya ng lending companies na hindi niya naman inutangan.

“Binantaan nila ‘yung buhay ng pamilya ko. Bakit ganu’n? Sa halagang P2,000 pagbabantaan ‘yung buhay ng pamilya ko,” sabi ni Aiza.

Hindi muna umuuwi ng bahay ang biktima dahil sa naramdamang takot at kahihiyan.
Nagsampa na siya ng blotter report sa barangay, samantalang nangako ang mga awtoridad na proteksyunan si Aiza.

Base sa listahan ng mga registered lending apps sa Securities and Exchange Commission (SEC), wala ang online lending na inutangan ni Aiza.

Ayon sa spokesperson ng PNP Cybercrime Group na si Police Lieutenant Michelle Sabino, hindi maaari ang ginawa ng online pautang na tinakot ang biktima sa Facebook, kaya maaari itong kasuhan.

Sa kasalukuyan, nag-iipon pa rin si Aiza para mabayaran ang kanyang utang na umabot na sa P7,460. — Mula sa GMA News