Advertisers
SORSOGON CITY – Arestado ang dalawang notoryus na fixers sa pantalan ng Matnog sa ikinasang entrapment operation ng pinagsamang puwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Sorsogon PPO at Matnog Police.
Kinilala ang mga dinakip na sina Harry Martinez Bufete, 48 anyos, naninirahan sa Phase 1, Brgy Gadgaron; at Gavara Gasis Gesos, 41, residente ng Phase 5, Brgy. Tabunan ng parehong bayan.
Isinagawa ang entrapment operation sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Pawa.
Narekober sa dalawa ang entrapment money na nagkakahalaga ng P7,000 na ang isang libo ay genuine money habang ang P6,000 ay ‘boodle money’.
Sa ulat, hawak ang mga suspek ng isang LGU-employee subali’t tumanggi pangalanan ito.
Sina Bufete at Gesos ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9845, Anti Red Tape Act.
Matatandaan na muling humaba ang pila ng mga sasakyan sa Sorsogon papuntang Visayas at Mindanao simula pa noong Disyembre 1 dahil sa mga Gale warnings na ibinabala ng DOST-PAGASA at Phil Coast Guard-Bicol.
Ang desperadong kalagayan na ito ng mga stranded na mga pasahero ay pinagkakaperahan ng mga mapagsamantalang fixers sa Matnog Port, na ayon sa mga awtoridad ay naging isa nang malawak na sindikato.