Advertisers
ISA na namang kasama natin sa hanap-buhay ang walang awang pinaslang sa Cebu City bago manalansa ang bagyong Odette sa Visayas at Mindanao Region.
Ang biktima na si Rico Osmeña, isang broadcaster na blocktimer sa radio station na DYLA, ay nakasakay sa isang minibus habang tinatahak ang Urdaneta Street sa may Barangay San Roque, Cebu City nang may sumakay na dalawang lalaki na agad tinungo ang kinauupuan ni Osmeña at pinaputukan sa likuran ito, bago mabilis na tumakas.
Sa mga report naming nakalap bilang namumuno sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) naiulat ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ni Major Edgar Labe , station commander ng Police Station 3 sa Cebu City, narekober nila ang dalawang basyo ng bala ng 45 caliber na baril sa crime scene, at isa pang babaeng pasahero ay nasugatan sa pamamaril.
Masyado pang maaga kung sasabihin namin ang anumang motibo ng pamamaril kay Osmeña, ngunit simula pa lamang, ang mga ganitong insidente ay masasabi nating ang pamamaril ay maaaring may kaugnayan sa kanyang pagiging broadcaster.
Sa atin ding pakikipag-ugnayan sa iba pang media sa Cebu City, ay napag-alaman kong ang programa ni Osmeña sa DYLA na “Karun Sugbo” ay mula Lunes hanggang Biyernes tuwing alas onse ng tanghali hanggang alas dose.
Sinasabi ring hindi naman ‘hard htting’ itong si Osmeña sa kanyang programa, ngunit madalas nitong tuligsain ang nangyayaring ‘vegetable smuggling’ sa siyudad. Maaari ring nalaman na ng mga ‘hitmen’ ang laging gawi ng biktima matapos ang kanyang pagbabalita.
Alam naman natin lalo na ng mga kasamahan ko sa sektor ng media na habang papalapit ang panahon ng halalan ay mapanganib para sa mga mamamahayag lalo na para sa mga nasa kanayunan ang pag-uulat.
Kaya nga ipinaki-usap ng inyong lingkod kay Department of Interior and Local Goverment Secretary Eduardo Año na miyembro din ng task force, na magtalaga na ng media security focal person sa mga provincial at city levels sa pamamagitan ng PNP.
Dahil inaasahan nating darami pa ang mga ganitong insidente ng pamamaslang sa mga miyembro ng media profession, lalo na sa mga probinsiya at malalayong lokalidad.
Kung makakapagtalaga ang PNP ng mga media security focal person maaarin maampat o maiwasan ang inaasahan nating mga karahasang maaaring maranasan ng ating mga kabaro. Mabilis nilang maipaparating sa PTFoMS ang mga nangyayaring pananakot at mga tangkang pagpatay.
Kaya kung kayo man ay nakakaranas na ng mga ganitong karahasan, hinihikayat ko kayong mga kabaro sa media na tumawag lamang din sa aming opisina upang masiguro natin ang inyong mga kalagayan at paki-usapan ang PNP na kayo ay mabigyan ng seguridad habang ginagapanan ninyo ang inyong tungkulin bilang mamamahayag.
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatatag ng PTFoMS upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat media sa bansa. Ingat tayo mga kabaro lalo na sa panahong ito na nalalapit na ang halalang 2022.
Nandirito ang inyong PTFoMS upang talikdan ang kautusan ng Pangulo na bigyan kayo ng seguridad sa inyong pagbabalita. Kauna-unahan ito sa anumang bansa sa mundo.
Ang pagpaslang kay Osmeña ay hindi natin palalampasin hanggat hindi nahuhuli ang mga salarin at ang mga nasa likuran nito, maging sila man ay kandidato sa darating na eleksiyon.