Advertisers
NAGPAALA-ALA ang Quezon City Veterinary Office na mag-ingat sa pagbili ng lechon online.
Ito ay kasabay ng pagdami ng natatanggap nilang reklamo tungkol sa umano’y bulok na lechon.
“Malamang ‘yung baboy na ‘yun namatay na, pinapatay pa ulit para gawing lechon so ‘di maganda ang kakalabasan ng karne at mabaho, nakakadulot ng sakit ng tiyan, pagtatae, parang food poisoning narin ‘yun eh. Minsan may uod, minsan kulu-kulobot na yung karne, mabaho, maitim,” ani QC Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel.
Samantala, nagkaroon muli ng pagtaas ang presyo ng lechon ilang araw bago mag-Bagong Taon.
Ang 4 hanggang 5 kilo na lechon, nasa P8,500 na mula P7,500 hanggang P8,000 noong nakaraang linggo. Nasa P9,000 naman ang presyo ng 6 hanggang 7 kilograms ng lechon mula sa P8,500 noong nakaraang linggo.
Nasa P9,500 naman mula P9,000 ang presyo ng lechon na 8 hanggang 9 kilograms habang nasa P10,500 mula P10,000 noong nakaraang linggo ang 10 hanggang 11 kilograms.
Paliwanag ni La Loma Lechoneros Association president Ramon Ferreros, ito ay dahil sa kakapusan ng suplay at pagmahal ng presyo ng binibiling baboy.
“Minimal ang baboy sa Quezon province, eh nagkaroon pa ng ASF ang Marinduque kasi ang Marinduque nagsu-supply din sa La Loma ‘yan. Dito sa MM Lechoneros. Nag-depend kami ngayon sa Dumaguete, sa Negros. So galing pa do’n mga baboy namin, at saka mga konti galing ng Quezon province which is sobrang mahal kasi nga limitado lang ang baboy na sinu-supply daw nila,” ani Ferreros.
Nagkaroon din ng pagtaas ng presyo ng baboy, at ilang klase ng isda. Mino-monitor naman ito ng mga awtoridad sa harap ng banta ng bagyong Odette.
“Nagkaroon din po ng challenge ang ating mga tawid-dagat, mga na-stranded na baboy sa Region 10 na papunta ng Metro Manila, pero ito ay nagawan na ng solusyon,” ani Agriculture Assistant Secretaryy Kristine Evangelista.
“Naayos na po ang ating mga port na ginagamit para sa ating tawid-dagat kaya we are looking at more supply coming to Metro Manila coming from Visayas and Mindanao,” dagdag niya.