PING: E-SABONG DAPAT MAY BATAS PARA WALANG DAYA
Dahil sa mga reklamong nabaon sa utang, nakawan at pagpapatiwakal
Advertisers
PARA maproteksiyonan ang publiko, masusing pag-aaralan ni Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson kasama ng kanyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung paano makokontrol ng gobyerno ang nauusong E-Sabong na talamak maging sa mga social media platform.
Tugon ito ni Lacson matapos matanong sa naturang usapin nang makapanayam sa programang ‘Ikaw ang On the Spot: The Presidential Candidate Interview’ sa Teleradyo, kung saan natukoy pa na mayroon nang ilang overseas Filipino workers ang nagpatiwakal bunga ng matinding pagkatalo.
“Ang laki ng social cause, ang laki ng social problem so dapat mayroong prangkisa, may legislative franchise sa Kongreso. Naka-transmit na sa Senado, pag-aaralan naming mabuti,” banggit ni Lacson bilang pangunahing remedyo sa nagugumon sa nabanggit na sugal, na ayon sa mga ulat ay puwedeng tumaya kahit mga menor de edad.
Aniya, sa simula palang ay ayaw na niya sa ganitong porma ng sugal dahil maaaring magkaroon ito ng malalim na epekto sa usaping panlipunan dahil kahit sino—maging mga bata—ay maaaring tumaya gamit ang mga mobile o virtual wallet app.
Gayunman, naniniwala si Lacson at Sotto na mahalagang mapag-aralang mabuti ang batas na kokontrol sa E-Sabong dahil magiging banta ito sa hinaharap kung hindi sasailalim sa legal na proseso.
Sa isang press conference nitong Nobyembre, ipinaliwanag ni Lacson na kailangan makontrol ang ganitong uri ng sugal upang magkaroon ng safety measures o alituntunin na poprotekta sa mga tumataya rito.
“‘Pag hindi mo binigyan ng franchise ‘yan, mag-o-operate parin, ‘di ba—iligal. At ‘pag sinabi nating iligal, e online, medyo may dayaan pa,” sabi ng running mate ni Lacson.
Para kay Lacson, importante na lalong mabigyang proteksyon dito ang mga OFW dahil “borderless ito, puro online ito, tataya wala nang maipadala doon sa kanilang mga pamilya rito kasi natatalo doon sa [e-sabong] kasi online napakabilis lang ng tayaan.”
“Alam niyo pagka ang ginagamit mo lang online, hindi mo nakikita ‘yung actual cash na lumalabas e. Sige ka lang nang sige, bahala na si Batman, doon nagkakaroon ng social problem. So, ito ‘yung titingnan natin, hindi lang e-sabong kundi lahat ng klase ng gambling,” ani Lacson.
Sa ngayon ay wala pang batas na nakakasakop sa E-Sabong at ang panukalang lagyan na ito ng alituntunin ng pamahalaan ay nananatiling nakabinbin sa komite sa Mataas na Kapulungan.