Advertisers
TIGOK ang tatlong inmates at14 ang sugatan sa riot sa loob ng New Bilibid Prison, Linggo ng gabi.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, 6:00 ng gabi nang magsimula ang gulo.
“Nagsimula lang daw ito sa kantiyawan at may pumutok na po na improvised shotgun at doon na po nagsimula ang kaguluhan. Kaniya-kaniyang self-defense na ang kanilang ginawa,” sabi ni Chaclag.
Agad namang inaawat ng jail guards ang away, ngunit inabot ng isang oras bago makontrol ang gulo.
Pitong inmates ang pinanagot dahil sa pagsisimula ng gulo.
Nasamsam dito ang ilang sumpak at iba’t ibang bladed weapons.
Samantala, naabisuhan na ng BuCor ang pamilya ng tatlong nasawi at 14 sugatan sa kaguluhan.
Ang mga nasawi ay maaaring kunin ng kaanak nito upang ilibing sa pinangmulang lugar o ipa-cremate na lamang dito sa Metro Manila.
Nasa stable condition naman ang 14 nasugatan sa gulo pero patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ng NBP.
“Inaasikaso po natin yung mga nasugatang nadamay sa kaguluhan,” ani Chaclag.
Muli rin magsasagawa ng oplan galugad, lalo’t may mga bagong armas na namang nagawa ang ilang inmates sa loob lamang ng maikling panahon.