Advertisers
TRAHEDYA ang hatid ng unang linggo ng 2022 sa isang pamilya nang masawi ang apat na miyembro nito nang ma-‘trap’ sa nasusunog na bahay sa Barangay Concepcion, Virac, Catanduanes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rosemarie Buentiempo, 28 anyos; Jzar Estacio, 25, (mag-asawa) at ang dalawang anak na sina Klyne, 7; at Mix, 3.
Nakaligtas ang isa pang miyembro ng pamilya na si Benzon Buentiempo, 37, nang makalabas sa nasusunog na bahay ngunit nagtamo ito ng sugat sa ilang bahagi ng kanyang katawan.
Sa ulat, 2:00 ng madaling araw nitong Martes nang sumiklab ang apoy sa warehouse na pag-aari ng isang Nancy Benavidez kungsaan nakatira/rumirenta ang mga biktima.
Pasado 4:00 ng umaga nang magdeklara ng ‘fire out’ ang BFP. Napag-alamang palyadong electrical wiring ang sanhi ng sunog.
Ayon kay Barangay chairman Anthony Arcilla, nagulat nalang sila nang makitang sobrang laki na ng sunog na bumalot sa 2 palapag na bahay.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang sunog.
Ipinaalala ng mga otoridad sa publiko na mag-iingat at palagiang suriin ang wirings, appliances at iba pang gamit sa loob ng bahay na maaaring maging simulan ng apoy.