Advertisers
MASUSING iniimbestigahan ngayon ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang anggulong ‘inside job’ ang panloloob sa isang sangay ng 7-11 convenience store sa George Bocobo St., kanto ng TM Kalaw St., Ermita, Maynila.
Ayon kay MPD Director, Brig. General Leo Francisco, nangyari ang panloloob sa 7-11 noong Enero 2 alas- 2:15 ng madaling araw.
Binuksan ng mga magnanakaw ang pintuan ng convenience store gamit ang “barreta de kabra”.
Naaresto naman ang mga nanloob sa pamamagitan ng kuha ng CCTV na nakilalang sina Jershelle Ross Gonzales; Darwin Damian, 23; at Angelito Labao,21, pawang residente ng Tondo, Maynila.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng store duty clerk na isinarado nito ang convenience store upang makapaghinga sa loob ng opisina.
Nang makarinig ng kalabog, nagising ito at nang tingnan ang tindahan ay nakita ang mga magnanakaw sa loob kaya agad itong nagkulong sa opisina at tumawag sa pulisya.
Gamit ng mga magnanakaw ang isang motorsiklo na may sidecar kungsaan isinakay ang vault ng 7-11 na naglalaman ng kinitang P182,000.
Gayunman, hindi na narekober pa ng pulisya ang lamang pera maliban sa vault, bagama’t naresolba agad ang kaso nang maaresto ang mga magnanakaw sa loob lamang ng dalawang araw.
Tinitignan anggulo ang ‘inside job’ dahil batay sa kuha ng CCTV, sinabi ni Francisco na hindi na naghaluhuglog pa ang mga magnanakaw sa kung ano ang kukunin ng mga ito.
Napag-alaman din kay Francisco na konektado rin ang mga narestong magnanakaw sa panloloob sa isa rin sangay ng 7-11 sa Binondo, Maynila noong nakaraang taon .
Nanawagan ang opisyal sa iba pang nabiktima ng mga magnanakaw na dumulog lamang sa MPD upang mas mapalakas ang ebidensya at kasong isasampa laban sa mga ito. (Jocelyn Domenden)