Advertisers

Advertisers

Para iwas sa Omicron… ‘WAG MAGPASAWAY!’ – BONG GO

0 423

Advertisers

UPANG makaiwas sa mabilis na paglaganap ng Omicron variant ng COVID-19, muling umapela si Senator Bong Go sa publiko na huwag maging pasaway bagkus ay mahigpit na sundin ang health at quarantine protocols ng gobyerno upang hindi malagay sa panganib ang sarili at ang buhay ng iba.

Ginawa ng senador ang kanyang apela matapos iulat ng Department of Tourism na may isa pang quarantine offender ang “umeskapo”, nagpamasahe at ipinagyabang pa ito sa social media.

Ang nasabing violator ay sinasabing dumiretso sa kanyang condominium unit matapos dumating sa bansa mula sa Amerika nang hindi dumaraan sa quarantine procedures, ayon sa DOT.



“Hinihimok ko ang ating mga kababayan na sumunod sa mga health at quarantine protocols upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng Omicron variant ng COVID-19. Ang public health ay responsibilidad nating lahat at hindi lamang ng gobyerno, kaya gawin natin ang ating parte upang tuluyan na nating malampasan ang pandemya,” idiniin ni Go.

“Huwag muna tayong makumpiyansa dahil delikado pa rin ang panahon ngayon. Sayang ‘yung naumpisahan natin — ang magandang takbo ng ating COVID-19 response at vaccine rollout — kung magiging kampante muli tayo,” dagdag ng senador.

Hinikayat ni Go ang mga indibidwal na nasa ilalim ng isolation at quarantine protocols na isakripisyo ang kanilang personal na kaginhawahan para sa kapakanan ng kalusugan ng publiko. Ipinaalala din niya sa lahat ang malaking sakripisyo na patuloy na ginagawa ng mga medical frontliners upang mailigtas ang mga buhay.

“Alalahanin natin ang mas malaking sakripisyo ng ating mga medical frontliners na patuloy na lumalaban sa sakit na ito upang maprotektahan tayong lahat, at ang mga kababayan nating namatay dahil sa COVID-19,” ani Go.

“Huwag nating sayangin ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng paglabag sa ating health at quarantine protocols. Panahon ito ng pagbabayanihan at hindi ng pagkunsidera lamang sa sarili nating kapakanan,” aniya pa.



Nitong Enero 1, may natukoy na 14 kaso ng Omicron variant ang Department of Health sa buong bansa.

Dahil sa pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19, dumoble rin ang mga tawag sa referral system ng mga ospital.

Hinimok din ni Go ang gobyerno na maghigpit sa pagpapatupad ng mga protocol sa kalusugan at quarantine at huwag payagan ang iilan na may pribilehiyong suwayin ang mga ito.

“Sa gobyerno, siguruhin natin na nasusunod ang ating health at quarantine protocols. Huwag nating hayaan na may iilang taong may pribilehiyo na lumabag sa mga ito,” ayon kay Go.

Hiniling din ng senador sa mga awtoridad na paigtingin pa ang pagpapalabas ng bakuna upang makatulong sa pagsugpo sa pagkalat ng virus.

Ibinunyag ng DOH noong Enero 2 na 85 porsiyento ng mga pasyente ng COVID-19 sa Intensive Care Unit ng mga ospital ng departamento sa National Capital Region ay hindi nabakunahan.

“Kung patuloy tayong magkakaisa at magtutulungan, inaasahan natin na bababa ang bilang ng mga kaso. Mare-relax natin ang mga restrictions at maraming sektor ng ekonomiya ang muling mabubuksan,” ani Go.