Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 43 ang mga kumpirmadong kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala pa sila ng karagdagang 29 kaso ng Omicron variant nitong Huwebes.
Ayon sa DOH, ang naturang 29 na bagong kaso ng Omicron variant ay natukoy mula sa 48 samples na nakuha mula sa 19 returning overseas Filipinos (ROFs) at 29 local COVID-19 cases mula sa mga lugar na mayroong infection clusters, at naisailalim sa genome sequencing nitong Enero 2.
Nabatid na 10 sa bagong Omicron cases ay mga ROFs habang 19 naman ang local cases, na pawang mula sa Metro Manila.
Sa mga local cases naman, 14 pa ang aktibong kaso at tatlo naman ang nakarekober na mula sa karamdaman.
Bineberipika pa ng DOH ang kalagayan ng dalawang iba pang local cases.
Samantala, mayroon ding 18 bagong kaso ng Delta variant na naitala ang DOH nitong Huwebes, na mula rin sa 48 samples na naisailalim sa sequencing.
Dahil dito, ang kabuuang bilang ng Delta variant cases sa bansa ay umabot na sa 8,497.
Sa mga bagong Delta cases, walo ang ROFs at ang 10 iba pa ay pawang local cases, na pawang may address sa Metro Manila. (Andi Garcia)