Advertisers
Hinuli ng Manila Police District (MPD) ang anim na indibidwal na sinasabing anti-vaccine nang magkilos-protesta nang walang suot na face mask.
Kinilala ang mga inaresto na sina Antonio Lorenzo Santillan, 29, taga-Laguna Bel-Air, Sta. Rosa City; Reynaldo Valeros Jr., 55, tribal leader; Sonia Valeros, 52, deputy tribal leader, kapwa ng Meadowood, Executive Village, Bacoor Cavite; Albert Muyot, 64, residente ng Olympia Village, Makati City; Christopher Samarita, 37, residente ng Sto. Nino, Meycauayan, Bulacan; at Dixie Anthony Parungao, 36, residente ng Moonwalk, Parañaque City.
Iprinisinta na ang mga ito sa Office of Assistant City Prosecutor Victoriano Agda Jr. para sa kanilang inquest proceeding.
Inaresto ang mga suspek sa paglabag sa City Ordinance 8627 na nag-aatas ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar sa syudad ng Maynila; Ordinance 8800 na naglilimita sa paglabas ng mga hindi bakunadong indibidwal sa syudad; Republic Act 11332 o ang mandatoryong pag-uulat ng notifiable diseases at health events; at Article 151 ng Revised Penal Code o ang disobedience to person in authority.
Ayon kay MPD spokesman Capt. Philipp Ines, na ang mga naaresto mga lider ng grupong Gising Maharlika na nag-akay ng nasa 150 raliyista para i-promote ang “No to Vaccine” advocacy campaign nitong Martes sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Sinasabi nila na mga ito na hindi sila bakunado at hinihikayat ang publiko na huwag magpabakuna dahil hindi sila naniniwala sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.
Ani Ines, nakiusap ang pulisya sa mga raliyista para itigil ang kanilang pagprotesta pero hindi umano sila nakinig.