Advertisers
HINDI matapos tapos ang pasanin ni Mang Juan sa bayang ito kaya’t marami sa mga anak nito ang nag-iisip na magtungo sa ibang bansa upang makipagsapalaran sa buhay. Sinuong ang mahirap na kalagayan lalo ang mapalayo sa pamilya upang mapakain at mapag-aral ang mga anak na unti-unting nawawalan kinabukasan sa kawalan ng oportunidad na makapag hanap buhay ang ama sa sariling bayan. Sa dami ng mga negosyong nagsara o naghanap ng ibang lugar upang makaiwas sa ‘di makatwirang patakaran. Sa kalagayang ito, malinaw na hindi sapat ang mga natirang negosyo na saluhin ang mga ibig maghanapbuhay o magtatrabaho lalo kung may kakayahan na pangangailangan.
Hindi patas at mataas na gastusin sa pagnenegosyo ang iniiwasan at hindi ang mga obrerong Pinoy na world class ang kalidad at dedikasyon sa trabaho. Sa kalagayang ito, malinaw na tangap ng pamahalaan ang kaayusang ito, at ang paglikha ng Department of OFW na tahasang nagsasaad na kailangan ang kagawarang ito upang matiyak ang kapakanan ng mga Pinoy Overseas Workers. Ngunit para kanino ito, sa obrero ba o isa na namang gatasan ng nasa pamahalaan?
Ang kagawaran bang ito’y isa na namang burukrasya na nagpapahirap o magpapatagal sa mga proseso sa mga obrerong nagnanais na maghanap buhay sa labas ng bansa. Sa pagkakatayo ng kagawarang ito, hindi malinaw kung ano ang magiging kalagayan ng mga opisina na nasa ilalim ng DOLE, tulad ng POEA at OWWA na minsan na naglagay ng bilyong pondo sa Overseas Workers Bank na hindi na nabalitaan kung ano na ang kalagayan. Ang malinaw, tangap ng pamahalaang ito na walang inaasahang milagro ang mangyayari sa bansa kung ang paghahanap ng trabaho ang pag-uusapan sa loob ng bansa. Ang pagkakatayo ng Kagawarang ito’y tila pagsuko ng DOLE at ng iba pang mga opisina sa gobyerno na wala silang magagawang paraan upang palaguin ang hanapbuhay sa bansa.
Ang kawalan ng komprehensibong balakin kung paano palalakasin ang hanapbuhay sa bansa ang dahilan ng pagkakatayo ng Kagawaran para sa OFW. Hindi makalikha ng trabaho sa dahilan na may tinitingnan itong negosyo na malapit sa Balite ng Malacanan, at ito ang pangunahing dahilan kung bakit maraming negosyo ang naglipatan sa karatig bansa na siyang dahilan ng pagtaas ng kawalan ng hanap buhay. Hindi pa usapin ang pagkalat ng C19, na nagdulot ng maraming pagsasara ng negosyo at kalakip ang baklasan sa trabaho.
Ang pagkakalikha ba ng Kagawaran para sa OFW ang tuluyang magpapalakas ng oportunidad sa paglikha ng trabaho para sa obrero, kahit na ito’y nakatuon sa labas ng bansa na walang tuwirang kamay ang pamahalaan. Ang kagawaran bang itinayo’y mapanghahawakan sa kinabukasan o isa lamang gatasan ng iilan na sa pagtagal, isa na namang ahensya na babakahin ni Mang Juan upang masiguro na may pagkakakitaan ang mga tatao dito?
Napag isipan bang mabuti ang paglikha ng kagawarang ito o sadyang inaabandona ang paglikha ng trabaho sa loob ng bansa dulot ng ‘di makanegosyong palakad. Sa totoo lang, hindi tinututulan ang pagkakalikha ng Kagawaran para sa OFW, ngunit ang pagkakalikha nito’y nagsasabing huwag ng umasa si Mang Juan lalo ang mga anak nito na darami ang hanap buhay sa bansa. Ang mga palatandaan ng paglago ng ekonomiya’y kasing bagal kung paano gumalaw ang pamahalaan kontra sa C19. Ang mali-maling desisyon at may pinapanigang negosyo’y ang mga dahilan kung bakit ang matagal na negosyo sa bansa’y nag-alisan at nagtuloy ng negosyo sa labas ng bansa. Malinaw na hindi magnegosyo ang patakaran ng kasalukuyang pamahalaan lalong hindi maka obrero dahil ang mismong batas na magpapatatag sa kalagayan ng katatagan sa paghahanap buhay sa bansa’y inayawan ni Totoy Kulambo sa dahilan daw na hindi nagkakaisa ang mga obrero sa bansa.
Sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ng bansa maging ng mundo, tila hindi paborable sa mga obrero ang nangyayari at lalong tumataas ang kompetisyon upang makahanap ng trabaho. Marami ang requirements, at siyempre malinaw na marami ang nagbabakasakali na nagreresulta sa mga sulutan ng obrero sa kapwa obrero, ang resulta binabarat sa sweldo’t benepisyo na dapat kalakip ng trabahong pinapasukan.
Ang mga lokal na trabaho sa ngayo’y sadyang mahirap makita sa kadahilanan ng pagsasara. Maraming uri ng hanap buhay sa ngayon ang nakabitin na naghihintay sa kaganapan ng paghina o paglakas ng pandemya at ng ekonomiya. Walang kasiguruhan ang patunguhan ng mga obrero sa bansang ito. Ang malinaw wait and see ang mga negosyo kung kailan matatapos ang salot na pumalaot sa mundo at sa bansa.
Ang mga obrerong pangkalusugan na mismo’y hindi kuntento kung paano ito tinatrato ng pamahalaan na parang pakinabang lang ang ibig sa kanila. Ang mga inilabas na panuntunan ng DOH na ang pagpapaikli ng mga quarantine o isolation period ay malinaw na sagka sa makataong trato sa tulad nilang nakaharap sa panganib ng pandemya.
Hindi umaayaw ang mga health workers sa trabaho na nasa kanilang harapan ngunit ang sariling kalusugan na ang pinag-uusapan kaakibat ang kalusugan ng pamilya na maaring mahawa kung sila mismo ang magkaka sakit. Malinaw na kontra sa makakalusugang patakaran ang pagpapaiksi ng isolation period ng mga HW. Paano mapapagaling ang mga may sakit kung ang mga HW mismo ang may sakit? Anong polisiya ito, sa gitna ng giyera nagbabago?
Sa pagtaya ng kaganapan, malayo ang tahakin ng mga obrero na magkaroon ng disenteng hanapbuhay kung pagbabasihan ang kilos ng pamahalaang ito. Malinaw na sa pagbangon ng bansa kontra sa lahat ng delubyo’y kakain ito ng maraming panahon upang bumalik sa normal. Ang bawat grupo nagtutulak na ng makataong pagpapatupad ng batas sa pagawaa’y tila malayo pa ang gawain at ang pagkakaisa’y ang siyang dapat unang hangarin kasunod ang mga katatagan at karapatan sa paghahanap buhay.
Marami ng lider obrero ang sumubok na makapasok sa larangan ng pulitika subalit hindi ito nakamit. Ang pagkakaisa at maisulong ng mga ilang lider obrero na nagtataguyod ng adhikain ng linyang ito’y itawid sa halalan para sa pagsulong ng interes ng hanay sa mas malaking larangan. Huwag maalis sa isip na ang hanap mismo ng obrero ang dala ng mga lider na ito kaya’t nararapat ang pagkakaisa.
Sa paglago ng ekonomiya ng isang bansa, di maikakaila na malaki ang bahagi ng lakas paggawa upang marating ng bansa ang inaasam na pagbangon. At sa pagbangong ito, kailangan na kasabay ang bawat obrero na nag-aambag sa pagbangon. Sa bawat hanay ng mga negosyo, mula sa mga produksyon hanggang transportasyon at kahit anong larangan makatarungan at matuwid na maibigay ang dapat sa bawat hanay ng nag-aambag.
Ang palakasin ang hanay ng mga obrero lalo sa kasalukuyang kalagayan ang nagsisiguro ng tuloy – tuloy na pagbangon dahil lalo’t magtuwang ang negosyo at lakas paggawa. Tangap ang pagkilos ng mga namamahala sa pagsisiguro ng kagalingan ng mga OFW, ngunit ang pagsisiguro sa katatagan ng paghahanap buhay ng mga obrero na nasa lokal na negosyo’y dapat isulong. Ang matatag na hanapbuhay ng bawat obrero’y katatagan sa negosyo, at negosyong matatag ang magbabangon sa bansa sa kinabukasan. Isaisip na ang trabaho na ginagampanan ng obrero’y di lang hanap buhay kundi ito’y pagbangon ng bayan lalo sa kinabukasan… Sa pamahalaan, kumilos kayo para sa obrero…
Maraming Salamat po!!!