Showcause order vs. UE prexy sa pagbalewala sa EO, ipinalabas ni Isko
Advertisers
“ABUSO na po ito. Nakakadalawa ka na, Garcia. Puno na ang salop.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay na order niyang padalhan ng showcause order ang isang presidente ng University of the East (UE), at binigyan ito ng tatlong araw upang magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat na bigyan ng cease and desist order dahil sa pagbalewala ng Executive Order na kanyang inisyu para sa one-week suspension nang lahat ng online at physical classes sa lahat ng level.
Pinaalalahanan din ni Moreno ang UE na ito ay nag-o-operate dahil sa ibinigay na business permit ng local government ng Maynila, kaya dapat na kilalanin nito na sila ay sakop ng city rules and regulations. Ang pagbibigay ng showcause order sa pamantasan ay dahil sa deklarasyon ni UE President Ester Garcia na walang kapangyarihan ang isang local chief executives na mag-suspendi ng klase sa tertiary level.
Binanggit din ng alkalde ang Commission on Higher Education Memorandum Order 15 Series of 2012, na nagsasaad na ” classes in collegiate levels, including graduate school, may be suspended or canceled at the discretion of the local chief executive of the local government units if special circumstances in the area arise.”
Iginiit din ni Moreno na sa ilalim ng Section 16 of Republic Act 7160 of the Local Government Code, na “local chief executives are given the authority to protect the welfare of the greater majority.”
“Yan ay nagagamit ng alkalde pag me sunog, lindol o anumang calamitous na sitwasyon. Ayoko turuan si Garcia. She should be teaching better than me. We’re talking about governance here, regulation and authority. Di ko alam saang gobyerno napapabilang ang UE. Dati gumawa na ‘yan, nagbabala na ‘ko. Patuloy na lumalabag sa otoridad ng LGU,” sabi ni Moreno.
Dahil sa permit na nakuha ng UE, sinabi ni Moreno na :“Ibig sabihin kinikilala ninyo ang mga binayaran ninyo as lessor, learning institution at mga fees. Kayo po ay nakapaloob sa regulatory power ng lungsod Maynila kaya nagbabayad kayo.”
Sa nasabing order, binigyan ng city government ang UE ng tatlong araw o 72 oras na magpaliwanag kung bakit ito kailangan pang mag-operate sa lungsod, at sinabing kapag nabigo itong sumagot ay nangangahulugan din ito na ayaw talaga nilang magpaliwanag.
“Sinabi ko na noon kungdi kayo naniniwala sa kapangyarihan ng LGU, you are free to go. Mukang di ka na nakakalabas ng bahay at wala nang konek sa tunay na sitwasyon.. patuloy na kinakailnga ‘yung kanyang hanapbuhay,” buntunghininga ni Moreno.
“Nung araw ako ay nag-abiso na. Pinatawad ko na po yan dahil pinahirapan kayo niyan nung magdeklara ako dati ng no classes siya lang ang hindii sumunod. Nagtataka ako bakit yung iba nasunod sa panawagan o direktiba ng alkalde? Bakit napaka-espesyal ng UE? If it is clear to you that I do not have the authority, you are free to go and find yourself another local government unit,” sabi ni Moreno na nagsabing ang kanyang utos ay naaayon sa batas at hindi kapritso lang.
“Ang gusto ko lang huminga muna kayo mga nanay, estudyante, teacher. Ano ba naman ‘yung one week madam president Garcia? Ano ba ang kawalan sa negosyo mo ng one week na pahinga at kabutihan ng mag-aaral mo sa UE at iyong faculty? Malulugi ka ba ng husto sa one week?” sabi ni Moreno. (ANDI GARCIA)