Advertisers
NASA mahigit 190,000 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 14,546 bagong kaso ng sakit nitong Lunes, Enero 31.
Batay sa case bulletin #688 na inisyu ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 3,560,202 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 5.4% o 190,818 na lamang ang aktibong kaso pa o nagpapagaling pa sa karamdaman at maaari pang makahawa.
Karamihan naman sa mga aktibong kaso ay pawang mild cases lamang na nasa 177,584; 8,239 naman ang walang nararamdamang sintomas o asymptomatic; 3,126 ang moderate cases; 1,540 ang severe cases at 329 ang kritikal.
Nasa 26,500 naman ang naitala ng DOH na bagong gumaling sa bansa, sanhi upang umabot na sa 3,315,381 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 93.1% ng total cases.
Mayroon pa rin namang 112 mga pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 54,003 ang total COVID-19 deaths sa Pilipinas o 1.52% ng total cases. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)