Advertisers
Nang dahil sa kanyang tsinelas, literal na nagbuwis ng buhay ang Grade 10 na estudyante nang malunod habang nangunguha ng talaba sa ilog ng San Fabian, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng San Fabian Police Station (SFPS), kinilala ang biktima na si Erika Uson, 16-anyos, residente ng Barangay Bolasi, San Fabian, Pangasinan.
Nanguha umano ng talaba sa ilog si Erika kasama ang dalawa pang kaibigan para may maiulam ang kanyang pamilya. Pauwi na ito ng bahay nang mahulog ang kanyang tsinelas.
Habang kinukuha ang tsinelas na naanod na sa tubig ay napunta umano sa malalim na bahagi ng ilog si Erika at doon na nangyari ang trahedya.
“Natanggal yung slipper niya binalikan niya. Noong lumubog na hinihintay ng dalawang bata na aahon. Yun na siguro, napagtanto nila na wala nang lulutang.
Umiyak na sila at humingi ng tulong,” pahayag ng isang kaanak ng biktima.
Agad namang nagtulong-tulong ang ilang residente para hanapin si Erika sa ilog. Nang makita ito ay sinikap pa ring bigyan ng first aid bago dinala sa pagamutan.
Dead on arrival ito sa ospital, ayon na rin sa mga doktor.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang pulisya na iwasan ang pagpunta sa ilog lalo na kung walang kasamang mas nakatatanda na nakakaalam sa lugar.