Advertisers

Advertisers

SB No. 2505 dapat isabatas… BONG GO: PAGKONTROL SA NAKAHAHAWANG SAKIT, PALAKASIN

0 166

Advertisers

SA gitna ng mga hamon na dala ng pandemya at mga banta na dulot ng mga krisis sa kalusugan sa hinaharap, nanawagan si Senate Committee on Health chairman at Senator Christopher “Bong” Go para sa pagpapasa ng Senate Bill No. 2505 na kanyang iniakda at inihain noong Mayo ng nakaraang taon na naglalayong itatag ang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).

Sinabi ni Go na isa sa kanyang mga priyoridad ay gawing mas handa ang sistema ng kalusugan ng bansa sa pagtugon sa mga darating na krisis sa kalusugan.

“Ito ang dahilan kung bakit nakapagpasa na tayo ng 24 batas para sa upgrade at pagtatatag ng mga health facility sa bansa. Nagpasa din kami sa ikatlong pagbasa ng 15 karagdagang mga hakbang na mas makadadagdag sa pagpapabuti ng ating mga pasilidad sa kalusugan,” ani Go na nagsabing dahilan ito upang ihain niya ang panukalang magtatatag sa CDC.



Ang CDC ay mangungunang ahensya para sa pagbuo ng mga pagkontrol, pag-iwas at pagpapakilala sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit sa bansa.

Nagpapasalamat si Go sa kanyang kapwa senador na si Pia Cayetano, chairperson ng subcommittee sa ilalim ng Committee on Health, sa pagtataguyod din sa panukalang ito.

“Napakaangkop na ang namumuno dito ay ang tagapangulo din ng Committee on Sustainable Development Goals, Innovation, at Futures Thinking,” aniya.

Sa pagsiklab ng COVID-19, nagbunsod ito ng pangangailangan na magkaroon ng isang mas komprehensibong diskarte at multi-disciplinary na paghahanda sa muling paglitaw ng mga pandemya at epidemya na sakit.

Sinabi ni Go na sa ibang mga bansa, ang Centers for Disease Control ay naging instrumento sa paglaban sa virus.



“Bilang mga eksperto sa larangan ng mga nakakahawang sakit, sila ang nangunguna sa labanan sa kalusugan laban sa COVID-19. Panahon na para magkaroon tayo ng sariling CDC,” anang senador.

Binanggit niya na kinilala rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangang magtatag ng naturang sentro at mas maaga ay hinimok ang Kongreso na magpasa ng gayunding panukala.

“Ang polisiya po ng administrasyong Duterte ay dapat one-step ahead tayo. Hindi po pwede na hindi tayo handa kung mayroong paparating na mga kalamidad, sakuna o emergency. Sa bawat oras na nagkulang po tayo sa paghahanda, buhay po ang kapalit,” diin ni Go.

“Alam naman po natin na hindi natin masasabi kung mayroon pang pandemyang darating sa ating buhay. Kailangan nating maging proactive,” ayon kay Go.

Ang ilan sa mga pangunahing tungkulin ng iminungkahing CDC ng Pilipinas ay kinabibilangan ng pagbuo ng patakaran at mga pamantayan, pagtuklas at pagsubaybay sa sakit, pagkolekta at pagsusuri ng data, mga komunikasyon sa pampublikong kalusugan, at pagbubuo ng pananaliksik at ebidensya.

Sa pagtatatag ng CDC, nagpahayag ang senador ng kumpiyansa na mas magiging handa ang bansa para harapin ang anumang public emergency sa hinaharap.