Advertisers
INIHAYAG ni Senador Richard Gordon na tatlong senador ang nag-aalangan na pumirma sa draft partial report ng Senate panel sa imbestigasyon nito sa mga transaksyon ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corp. dahil gusto ng mga ito na hindi isama si Pangulong Duterte sa mga dapat managot.
Ayon kay Gordon, chairman Senate blue ribbon committee, 11 senador na ang nangako ng suporta sa naturang report.
“Maraming senador na ang nagcommit. Labing isa sila. ‘Yung tatlo minumuni-muni pa kung pipirmahan nila na maglalagay sila ng amendment dahil ayaw nilang masangkot ang Pangulo. Nag-aalangan sila kung mayroon daw tayong sapat na katibayan laban sa Pangulo,” pahayag ni Gordon sa panayam ng ABS-CBN’s Teleradyo.
Tumanggi naman si Gordon na pangalanan ang tatlong senador, pero sinabi nito na nangako ang mga ito na pag-aaralan muna ang naturang report.
“Nangako naman sila sa akin na pag-aaralan nila at hinihintay ko muna, pero nangako na sila na pipirma sila. Sabi nila pipirmahan nila. Ina-address lang nila ‘yung concern nila sa Pangulo,” dagdag ng senador.
Batay sa draft report, inirekomenda ng Senate panel ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal sa ilang personalidad kabilang sina Health Secretary Francisco Duque III, dating procurement head Christopher Lao, Pharmally executives, at former presidential economic adviser Michael Yang.
Inirekomenda rin ng report na panagutin si Pangulong Duterte dahil sa ‘betrayal of public trust’ at pakikipagsabwatan sa “isa sa pinakamalaking pandarambong sa kaban ng Pilipinas sa kamakailang kasaysayan” na kinasasangkutan ng kanyang mga kaibigan at appointees.
Sinabi ni Gordon na ang tatlong nag-aalangan na senador ay dapat pumirma na sa naturang report na isinagawa matapos ang ilang pagdinig.
“Sabi ko pirmahan niyo na lang para lumabas na sa committee dahil kahit na hindi lumabas ‘yan, official document na ‘yan dahil official na oras ng gobyerno ang ginamit dyan, maraming oras ang ginugol natin, gumastos ang gobyerno, marami tayong tinawag na mga testigo,” ayon kay Gordon.
“Kung hindi pipirmahan dahil alangan kayo sa relasyon niyo sa Pangulo, hindi naman maganda ‘yan. Dapat pirmahan natin para mapag-usapan sa Senado at masupalpal o mapatunayan ang sinasabi ng committee pagbalik natin sa Senado after the elections,” dagdag pa nito.
Kung tutuusin aniya, dapat pagsilbihan ng mga senador ang interes ng taumbayan at hindi ng Pangulo.
“Kung ang tuntunin mo ay ang pagkakaibigan mo sa Presidente, hindi maganda ’yun. Kung ang tuntunin mo ay ’yung karapatan ng tao at ’yung tungkulin mo sa bayan at ’yung tama, ’yun ang dapat mong sundin,” ayon kay Gordon.