Advertisers
ANG Inang Nag-aaruga sa Anak Foundation, na binuo at pinamunuan ni dating Cong. Georgina de Venecia at iba pang indibiduwal ay gumamit ng pekeng pangalan nang mamuhunan sa instrumento ng pautang na pawang palsipikado rin.
Sa isang tao lamang, sa katauhan ni Liza Arzaga, dating branch business center manager ng RCBC nakipag-usap ng ilang taon ang grupo gamit ang perang hawak, hanggang takasan na sila nito tangay ang kanilang pondo.
Sa ngayon, nais ng grupo ni de Venecia na ibalik ng RCBC sa kanila ang kanilang salapi.
Ayon kay RCBC general counsel George dela Cuesta, ang pondong ginamit sa pagbili ng pekeng debt notes ay hindi pumasok mismo sa bangko kaya’t walang dahilan upang ito ay bawiin. Dugtong niya, handang labanan ng RCBC ang kasong inihain laban sa kanila ng de Venecia group hanggang a huli.
Sa naging pahayag sa media ng de Venecia group, inakala aniya nila na legal ang paggamit ng pekeng pangalan. Hindi binanggit sa pahayag ang pekeng debt instruments.
Nang matuklasan ng banko ang naganap na transaksiyon noong 2018, sinuspindi kaagad si Arzaga hanggang tuluyang sibakin sa trabaho matapos ang isinagawang panloob na imbestigasyon. Nahaharap siya ngayon sa kasong kriminal.
Sinabi ni dela Cuesta na sa kabila ng pagkasuspinde ni Arzaga, nagpatuloy pa rin ang transaksiyon sa kanya ng de Venecia group, gamit pa rin ang pekeng mga pangalan at salapi kapalit ng pekeng promissory notes.
Humingi rin ng tulong sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang de Venecia group, kung saan natuklasan wala itong basehan. Sunod nilang ini-akyat ang usapin sa Court of Appeals kung saan patuloy pa rin itong nakabimbin.
Naglunsad din sila ng kampanya sa media at kailan lang ay humingi rin ng suporta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Dela Cuesta na naninindigan silang malakas ang legal nilang hakbang upang protektahan ang kanilang interes saan mang bulwagan o pagtitipon.
Sinabi niya na kahit may mga kilalang pulitiko na miyembro ang de Venecia group, kailangan nilang ipaliwanag kung saan nagmula ang kanilang salapi, bakit sila gumamit ng pekeng pangalan, bakit tumanggap ng peket debt instruments at kung bakit patuloy pa ring nakipag-transaksiyon kay Arzaga kahit na suspendido na ang dating opisyal ng bangko.