Advertisers
Patay ang dalawang menor de edad, habang sugatan ang isa pang sibilyan nang madamay sa bakbakan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tropa ng Philippine Army sa Catubig, Northern Samar.
Sinabi ng Joint Task Force Storm at 8th Infantry Division na idineklarang dead on arrival sa Catubig Hospital ang 12-anyos na biktima, habang ang 13-anyos na biktima namatay kinaumagahan sa Northern Samar hospital.
“Bago siya namatay, nakapagkwento ang 13-anyos na batang lalaki sa mga opisyal ng barangay na sila ay tinamaan ng mga putok ng NPA,” sabi ni 8ID commander Major General Edgardo de Leon sa isang pahayag.
“Ibinunyag ng 26-year-old survivor na sila ang nasa likod ng mga sundalo nang magpaputok ang mga NPA, kaya agad silang tumakas ngunit sa kasamaang palad ay natamaan sila,” dagdag niya.
Ayon kay 803rd Brigade commander Colonel Perfecto Peñaredondo, patungo sana ang tropa upang imbestigahan ang napaulat na presensya ng mga rebeldeng NPA sa Barangay Roxas nang salakayin.
Nakatakas ang isa pang menor de edad at nagsumbong sa mga opisyal ng barangay.
Rumesponde ang mga tauhan ng barangay at inilikas ang mga biktima sa mga ospital.
Ayon sa militar, nagbigay ng tulong ang Catubig government at Northern Samar government sa mga kaanak ng mga namatay na biktima at sa sugatang sibilyan.