Advertisers
INIHAYAG ni Department of Interior Local Government (DILG) spokesperson Jonathan Malaya na agad ipagbabawal ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng campaign rally ng mga kandidato kung walang maipapakitang permit ang mga ito.
Ayon kay Malaya, maaaring ipag-utos ng nakatalagang election officer na ipahinto ang anumang campaign activity kung walang mga permit ang mga ito.
Upang mapayagan na makapagsagawa ng in-person political activities tulad na lamang ng motorcade at campaign rally ang mga tumatakbong kandidato ay kinakailangang makakuha muna ang mga ito ng permit mula sa concerned LGU na ia-attach naman ng mga ito sa kanilang application sa Comelec para mabigyan sila ng permiso ng Comelec campaign committees.
Dagdag pa ni Malaya na ang Comelec Campaign Committees na binubuo ng isang Election Officer, City Health Officer, Chief of Police, Military Head, at DILG Official ang namamahala sa pagbibigay ng mga permit para sa personal na mga aktibidad sa pulitika.
Mapapatawan aniya ng kaukulang kaparusahan ang mga kandidato at tagasuporta na mapapatunayang hindi sumusunod sa nasabing pamantayan depende sa klase ng paglabag na nagawa.
Matatandaang Pebrero 8, nagsimula ang campaign period para sa mga national candidates habang sa March 22 naman nakatakdang magsimula ang panahon ng pangangampanya para sa mga local candidates para sa darating na halalan, na magtatagal naman hanggang sa Mayo 7, 2022.