Advertisers
NAGSUMITE ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ang ilang political parties para hilingin na pahintulutan ang selfies sa mga campaign rallies, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ni DILG spokesperson Jonathan Malaya, hinihintay pa nila ang desisyon ng poll body hinggil sa mga petisyon na ito.
Pero habang wala pa ang naturang desisyon, sinabi ni Malaya na mahigpit na nakabantay ang DILG sa implementation ng health protocols sa mga campaign rallies.
Sa ilalim ng Section 14 ng Comelec Resolution No. 10372, kabilang sa mga ipinagbabawal na aktibidad sa in-person campaigns ay ang pagkuha ng selfies at iba pang kaparehong aktibidad na mangangailangan nang pagtabi ng husto ng mga kandidato, at kanilang mga kasamahan at ng publiko.
Parusa na pagkakabilanggo ng hindi bababa sa isang taon pero hindi naman lalagpas ng anim na taon ang sinumang magkakaroon ng election offense sa ilalim ng Section 264 ng Omnibus Election Code.
Ang guilty party ay hindi na rin papahintulutan na makahawak ng anumang posisyon sa pamahalaan at tatanggalan din ng karapatan na bumoto.
Ang political party naman na mapapatunayang guilty sa election offense ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P10,000. (Vanz Fernandez)