Advertisers
IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang tatlong consolidated disqualification cases laban kay presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..
Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, ibinasura ng dibisyon ang pinagsama-samang petisyon nina Bonifacio Ilagan, Abubakar Mangelen at Akbayan dahil sa kawalan ng merito.
Nag-ugat ang mga petisyon sa 1995 tax evasion conviction ni Marcos, na inihain ng ilang martial law survivors na sina Ilagan, Akbayan party-list, at Mangelen.
Nakasentro ang naturang petisyon sa kabiguan ni Marcos na magbayad ng income tax at mag-file ng tax returns habang nasa public office mula 1982 hanggang 1985.
Na-acquit ng Court of Appeals si Marcos sa hindi pagbabayad ng buwis noong 1997, pero guilty ang verdict sa paglabag na mag-file ng tax returns. (Josephine Patricio)
PETITIONERS TATAKBO SA SC
KAAGAD na iaapela ng mga petitioners ang ibinasurang disqualification case laban kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon kay Perci Cendaña, isa sa mga petitioners, iaapela nila sa Come-lec en banc ang desisyon ng Comelec First Division na isinulat ni Commissioner Aimee Ferolino.
Sa nasabing desisyon, hindi umano imoral at panloloko ang hindi pagsusumite ng Income Tax Returns (ITR). Bagama’t ito ay may karampatang parusa, hindi naman ito maituturing na crime involving moral turpitude.
Dahil dito, wala umanong basehan na idiskwalipika si Marcos sa kabila ng conviction nito sa mga kinaharap na tax cases.
Subalit giit ng mga petitioners, apat na beses hindi naghain ng ITR si Marcos noong mga panahon na siya ay Governor. Bilang isang public official, siya dapat ang manguna sa pagsunod sa batas.
Handa rin umano ang mga petitioners na iakyat sa Korte Suprema ang apela kung hindi makakakuha ng paborableng desisyon sa Comelec en banc. (Jonah Mallari)