Advertisers
“MGA manggagawa ang unang magtataguyod kay Isko Moreno sa pagkapangulo!” ito ang mariing pahayag na binitiwan sa media ni Michael Apostol, pangulo ng Prudential Guarantee and Assurance Employees Labor Union at lead convenor ng alyansang ‘MISMO’ (Manggagawa para kay Isko Moreno), na binuo upang suportahan ang kandidatura sa pagkapangulo ni Manila Mayor Isko Moreno.
Sa ginanap na panayam ng media sa Quezon City noong Pebrero 9, 2022, isang araw matapos ang pagbubukas ng kampanya para sa mga pambansang posisyon sa darating na halalan sa Mayo 9, ibinida pa ni Apostol na ang MISMO ay binubuo ng mga unyon at mga samahan ng mga manggagawa na sumasakop sa halos lahat ng industriya sa bansa
“Napanood po natin ang mga interviews sa mga presidential candidates. Malinaw naman po sa mga forum na ito na natatanging si Mayor Isko ang may programa na nakapaloob sa kanyang 10-point agenda towards economic growth.
“Ang mga programang ito ay malinaw at kongkreto, hindi gaya ng sa ibang kandidato na walang direksyon at pawang mga sweeping generalities lamang,” ani Apostol.
“Ang plataporma ni Mayor Isko ay tumututok sa mga basic needs tulad ng pabahay, edukasyon, trabaho at kalusugan.
“Naglatag din kung paano pagpapaunlarin ang mga prayoridad na sektor na tulad ng turismo, infrastructure, agrikultura at IT. Nakapaliwanag kung paano mapopondohan ng pamahalaan ang bawat proyekto.
“Higit sa lahat, ito ay tumutugon sa pangangailangan ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino na nalugmok sa dalawang taong pandemya ng Covid-19,” ayon pa sa labor leader.
Bukod sa mga unyon sa sektor ng serbisyo (Prudential, Bank of Makati), ang MISMO ay binubuo rin ng mga unyon sa malalaking mga kumpanya, katulad ng food and beverage (Monde MY San, San Miguel Foods, San Miguel Beer, Coca Cola), gaming (Manila Jockey, Metro Manila Turf, Phil. Racing Club), textile and garments, Indo Phil Acrylic, transport (Del Monte Bus, Santrans) public utilities (Maynilad, Manila Water, Meralco Industrial, Miescor Builders), education (PSBA QC), manufacturing (Phil Bobbins), rubber and steel (Titan Rubber, Leo Tire, Hi Tech Steel), services (Philcare, Arlington Funeral) and packaging (Interpack Packaging, Ecopack).
“Ang kapansin-pansin sa mga interviews ay si Mayor Isko lamang ang hindi nauutal at nangangapa sa kanyang sagot sa bawat mga tanong,” punto pa ni Apostol.
“Ito ay patunay lamang ng kahandaan. Ang pruweba ay ang kanyang pagsasakatuparan ng mga proyektong kanyang pinangako sa Maynila, gaya ng mga mass housing projects, mga bagong ospital at paaralan, pati na mga modernong pasyalan gaya ng Manila Zoo at Arroceros Forest Park, habang mabilis na tinutugunan ang pagsugpo at paglaban sa pandemya, gaya ng maramihang pagbabakuna, pamimigay ng libreng mga gamot sa Covid, pagkakaroon ng Covid Hospital, distribution ng food packs at ayuda, lalo na mga barangay na na-lockdown,” paliwanag pa ni Apostol.
Nanawagan din si Apostol sa kanyang mga kapwa-manggagawa na suportahan ang kandidatura ni Moreno.
“Sa ating mga katrabaho, kapamilya, kapitbahay, at lahat ng mga mamamayang Pilipino, gawin po nating susunod na pangulo si Isko Moreno.”