Advertisers

Advertisers

Fuel subsidy ibigay na sa mga PUV driver sa ilalim ng 2022 nat’l budget – Poe

0 461

Advertisers

UMAPELA si Senadora Grace Poe sa pamahalaan na ipamahagi na ang ipinangakong pondo para sa fuel subsidy ng mga driver ng public utility vehicle (PUV) sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis kamakailan.

Nanawagan din si Poe sa mga operator ng gasoline station na magbigay ng diskwento kasunod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

“Sa pagsuri sa listahan ng mga benepisyaryo, inaasahan nating magiging mabusisi ang mga ahensya ng gobyerno upang matiyak na walang kwalipikadong PUV driver ang mapag-iiwanan sa ayuda,” saad ni Poe, chair ng Senate committee on public services.



“Sa kawalan ng oil price control sa ilalim ng deregulated regime, hinihimok natin ang mga operator ng gasolinahan na magpatupad ng ‘competitive’ na presyo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga diskwento sa mga produktong petrolyo,” pahayag ng senadora.

Ayon pa kay Poe, makikinabang dito kapwa ang public utility vehicle (PUV) drivers at private motorists na labis nang nasasaktan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng pagsisikap nating bumangon sa epekto ng pandemya.

Kamakailan muling nagtaas sa ikapitong sunod na linggo ang presyo ng gasolina bunsod ng kakulangan ng suplay nito sa world market.

Nabatid na nagtaas ang Caltex, Cleanfuel, Petro Gazz, PTT Philippines, Seaoil, at Shell ng P1.05 kada litro ng diesel at P1.20 naman sa gasoline.

Nagtaas din ang Caltex, Seaoil at Shell ng P0.65 sa kada litro ng kerosene. (Mylene Alfonso)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">