Advertisers
SA ikalawang sunod na araw, nakapagtala muli ang Department of Health (DOH) ng mahigit 1,000 lamang na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batay sa case bulletin #708, nabatid na umaabot lamang sa 1,712 ang mga bagong kaso ng sakit na naitala nitong Linggo, Pebrero 20 na pinakamababang bilang na naitala ngayong taong 2022.
Matatandaang nitong Sabado, Pebrero 19, ay nakapagtala lamang ang DOH ng 1,923 bagong kaso ng sakit.
Ayon sa DOH, sa ngayon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa ay 3,652,203 na.
Sa naturang bilang, 1.7% na lamang o 60,532 ang nananatili pang aktibong kaso ng sakit o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Karamihan pa rin naman sa mga aktibong kaso ay nakakaranas lamang ng mild symptoms ng karamdaman, na nasa 55,102 habang 856 naman ang asymptomatic o walang anumang sintomas na nararamdaman.
Mayroon parin 2,848 moderate cases, 1,421 severe cases at 305 na critical cases.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 3,686 mga pasyenteng gumaling na sa karamdaman kaya nasa 3,535,987 na ang total recoveries o 96.8% ng total cases.
Mayroon pa rin namang 77 pasyente ang bawian ng buhay dahil sa COVID-19 kaya nasa 55,684 na ang total COVID-19 deaths ng bansa o 1.52% ng total cases. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)