Advertisers
IPINAKITA sa Caloocan City ng BBM-Sara UniTeam kung ano ang magagawa nito kapag inasam ang pagkakaisa para sa buong bansa, matapos magtagumpay ang tambalan nitong Sabado na pag-isahin ang South at North Caloocan.
Ito ay nang mahigit isang milyong supporters ang nakilahok at lumabas sa kani-kanilang mga tahanan para masaksihan ang caravan at campaign rally ng UniTeam.
Para maipakita ng lungsod ang kanilang buong suporta sa tandem, nag-organisa si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan at ang kanyang anak na si Congressman Dale “Along” Malapitan ng caravan at rally kung saan si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ang kanyang running-mate na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte ay naghatid ng kanilang mensahe ng pag-unlad at pagkakaisa sa kanilang mga taga suporta. Higit isang milyon ang nagtiyaga na tumayo at naghintay sa mga lansangan hanggang sa makarating ang caravan at kanilang salubungin ng sigaw na “BBM” at “Sara.”
Nakahanda rin ang mga cellular phones para makunan ng larawan at videos ang caravan ng UniTeam upang agad na maipost sa kanilang iba’t-ibang social media platforms o kaya naman ay magamit bilang souvenir.
Maalab na suporta ang pinaramdam ng mga residente saang dako man dumaan ang caravan ng tambalang Marcos at Duterte.
Pinasimulan ni Marcos at Malapitan ang caravan sa harapan ng Toyota showroom, Balintawak, South Caloocan bandang ika-siyam ng umaga.
Kasama rin sa caravan ang UniTeam senatoriable bet na si Gibo Teodoro at guest candidate na si Robin Padilla.
Naging mabagal ang usad ng mga sasakyan sa kalsada dahil sa sobrang dami ng taong naghihintay sa bawat daraanan na ibig masilayan ang UniTeam.
Habang hindi pa dumadating ang caravan sa venue para sa rally, nasa halos 100,000 na supporters na ang matiyagang naghihintay para masaksihan ang event, habang patuloy pa dion ang pagdagsa ng libo-libong mga tao.
Tumagal ng pitong oras ang caravan kaya naman na-urong ang orihinal na oras ng event na 4 pm, naging 8 pm.
Dumagundong naman ang venue nang dumating ang caravan ng UniTeam bandang ika-pito ng gabi.
Maging ang mga customer at trabahador ng mga restaurant at ibang shop ay nagsilabasan din sa kalsada at nagbabaka-sakaling makita din ang dalawa habang sumisigaw ng “BBM, Sara!”
“Nakakatuwang makita si Bongbong at Sara na talagang sinasalubong ng mga tao at dinudumog at feeling ko talaga destiny niya ang maging pangulo ng bansa,” sabi ng isang residente.
Nagpasalamat naman sina Marcos at Duterte sa mainit na pagtanggap at suportang ibinigay ng lungsod ng Caloocan bago pa man magbigay ng talumpati na tungkol sa pagkakaisa at mga plataporma para sa ikakaunlad ng Pilipinas. (Vanz Fernandez)