Advertisers
PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang progreso na nagawa ng bansa sa paglaban sa COVID-19 pandemic, bunga ng pagsisikap at bayanihan ng gobyerno, health authorities at frontliners.
Sinabi ni Go na nakapagtala ang Department of Health ng 1,923 bagong kaso noong Pebrero 19, ang pinakamababa ngayong taon.
Ngunit sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso, nanawagan si Go sa patuloy na pagsunod ng publiko sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Patuloy po ang pagpasok ng magagandang balita para sa ating bansa ngayon. Noong Pebrero 15, 2022 ay sinabi ng Malacañang na nasa low-risk classification na ang National Capital Region at ang buong Pilipinas,” ani Go.
“Bagama’t hindi tayo dapat maging kumpiyansa, ito ay nagbibigay ng pag-asa sa atin na nasa tamang direksyon tayo patungo sa pag-ahon sa krisis na dulot ng COVID-19,” dagdag ni Go.
Ibinahagi din ni Go na ang average na pang-araw-araw na kaso mula Pebrero 8 hanggang 14 ay bumaba nang 56% kumpara sa bilang ng mga kaso noong nakaraang linggo.
Kung magpapatuloy ang trend, sinabi ni Go na ang bilang ng mga bagong kaso ay maaaring bumaba pa sa 83 sa kalagitnaan ng Marso.
Napansin din ni Go na ang buong bansa ay malapit nang maprotektahan ang populasyon dahil ibinahagi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez noong Pebrero 14 na sampung rehiyon sa bansa ang ganap na nabakunahan ng higit sa 70% ng kanilang populasyon.
“Kaya patuloy po akong nakikiusap sa mga kababayan natin na hindi pa bakunado pero kuwalipikado, magpabakuna na po kayo. Ngayon ay nakikita na natin na tanging ang bakuna ang solusyon para tuluyan na tayong makawala sa mga krisis na dulot ng pandemya,” sabi ni Go.
Dahil sa mga positibong pag-unlad na ito, ibinahagi din ni Go ang kamakailang desisyon ng gobyerno na muling buksan ang bansa para sa mga nabakunahang dayuhang turista, na magreresulta sa multiplier effect at magpapasigla sa sektor ng turismo at serbisyo.
“Nito lang Pebrero 15, batay sa tala ng Department of Tourism ay nagkaroon tayo ng 10,676 foreign travelers mula nang magbukas tayo ng border noong Pebrero 10. Tandaan po natin sa turismo, may negosyo at may trabaho,” ani Go.
Ipinaliwanag niya na kapag muling sumigla ang tourism industry, magti-trigger ito ng tinatawag na multiplier effects. Magbubukas muli ang iba pang negosyo, unti-unting makakabangon ang service sectors at lalakas muli ang ating ekonomiya,” paliwanag ng senador.
Nagpasalamat si Go sa gobyerno, Kagawaran ng Kalusugan, awtoridad at frontliners sa patuloy na pagsisikap at bayanihan para maprotektahan ang bansa mula sa COVID-19.
“Kailangan po nating mamuhay na kung saan bahagi na nito ang COVID-19. Ang pinakaimportante lang na dapat nating siguraduhin ay huwag bumagsak ang ating healthcare system,” aniya.
Tiniyak ni Go sa mamamayang Pilipino ang kanyang pangako na paglingkuran sila sa kabila ng mga hinaharap na pag-unlad sa pulitika ng bansa.
“Kahit anuman ang mangyari sa pulitika, ipagpapatuloy ko po ang serbisyong aking nakasanayan at natutunan kay Tatay Digong—ang walang tigil, walang pili, at walang takot na paglilingkod sa bayan na may buong tapang at malasakit,” ani Go.