Advertisers

Advertisers

Vaccine hesitancy ng mga Pinoy bumaba – DOH

0 267

Advertisers

BUMABA na sa 10% ang COVID-19 vaccine hesitancy ng mga Pinoy.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, mula sa dating 30% vaccine hesitancy noong nakaraang taon ay nasa 10% na lamang ito sa ngayon.

Tiniyak naman ni Vega na patuloy na humahanap ng mga pamamaraan ang pamahalaan upang mahikayat ang naturang 10% ng mga mamamayan na magpaturok na ng bakuna upang maproteksiyunan sila laban sa COVID-19.



Nitong Sabado, una nang kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bigo ang pamahalaan na maabot ang limang milyong vaccination target sa ikatlong bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” program na idinaos mula Pebrero 10 hanggang 18.

Ikinatuwa pa rin naman ng DOH na nakapagbakuna sila ng may 3.5 milyong bakuna sa pagtatapos ng naturang national vaccination drive.

Sinabi naman ni Vega na isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi naabot ng pamahalaan ang naturang target ay dahil mabagal pa rin ang pagbabakuna sa ilang lugar sa Mindanao na naapektuhan ng bagyong Odette.

Tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy pa rin ang bakunahan sa bansa upang tangkaing mabakunahan ang may 77 milyong Pinoy sa pagtatapos ng Marso.

Nanawagan din siya sa mga senior citizens na kabilang sa A2 category na magpabakuna na dahil nasa 65% pa lamang sa kanila ang bakunado na.



Sinabi ni Vega na may mga doses din ng AstraZeneca na malapit nang mapaso sa katapusan ng Pebrero at unang bahagi ng Marso, at target ng pamahalaan na maiturok ang mga ito sa mga tao sa mga lugar na mayroong mababang vaccination rates.

Nabatid na target ng pamahalaan na ma-fully vaccinate ang may 90 milyong Pinoy bago tuluyang bumaba si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto sa Hunyo 30, 2022. (Andi Garcia)