Advertisers
Kulong ang isang kahero ng Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) nang ipatalo sa online sabong o e-sabong ang kanyang koleksyong P120,000 sa bayan ng Dupax del Norte sa lalawigan ng Nueva Vizcaya noong Biyernes.
Kinilala ang suspek na si Jayson Predilla, 37-anyos, at residente ng Black Diamond St., Candelaria, Quezon.
Sa ulat, dinakip si Predilla ng mga tauhan ng Bambang Police sa kalapit na bayan ng Bambang habang papatakas pabalik sana sa probinsya ng Quezon nang ipatalo nito sa e-sabong ang kanyang nakolektang pera mula sa binabantayang STL betting station.
Ayon kay P/Capt. Rudil Bassit, hepe ng Bambang Police Station, nakatanggap sila ng alarma 4:00 ng hapon mula sa Dupax del Norte Police kaugnay sa posibleng pagtakas ng suspek patungo sa nasabing bayan para mag-abang ng masasakyan.
Alas-5:00 ng hapon nang mamataan ng mga awtoridad ang suspek na naghihintay nga ng kanyang masasakyan sa bahagi ng Brgy. Calaocan na naging dahilan ng kanyang agarang pagkadakip.
Napag-alaman sa source na tatlong beses na itinaya ng suspek ang kanyang koleksyon na umabot sa P120,000 sa e-sabong, subali’t hindi ito pinalad kung kaya’t wala na siyang nai-remit na naging dahilan para puntahan na siya ng kanyang superior sa inuupahang bahay nito sa Dupax del Norte pero hindi na siya nadatnan.
Ayon naman kay Ret. Col. Marlon Gauiran, general manager ng STL Nueva Vizcaya, kasong “Qualified Theft” ang kahaharapin ng suspek para hindi na pamarisan ng iba pang empleyado ng STL.
“Kailangan natin siyang kasuhan para hindi pamarisan, malaking pera ang nawala sa kaban ng PCSO na maaari pa sanang gamitin para sa mga mahihirap na nangangailangan, lalo na ang mga pasyente na ating tinutulungan,” pahayag ni Gauiran.