Advertisers

Advertisers

Walang pera si BBM

0 7,390

Advertisers

MASAMA ang balita sa kampo ni BBM. Bagaman nangunguna siya sa mga survey na hindi maintindihan kung maayos o hindi ang pangangalap ng mga datos, tumutukod ang kampanya ni BBM. Walang pera si BBM. Kapos ng pondo. Maraming kasama sa organizing committee ang bumitiw at umalis dahil hindi nababayaran ng kanilang professional fees.

Mukhang hindi makakubra ang mga Marcos ng nakaw na yaman na itinago saan-saan. Hindi magamit ang ninakaw sa kampanya. Madalang pa sa ihi ng butiki ang salaping pumapasok kay BBM upang tustusan ang magastos na kampanya. Dahil sa dami ng asunto ng mga Marcos, hindi magalaw ang mga deposito dahil may freeze order sa kanilang asset sa mga bangko sa ibayong dagat. Hindi maibenta ang ibang ari-arian.

Malakas sa Ilocandia si BBM kahit hindi siya marunong magsalita ng wikang Ilocano. Ilocano ang kanyang ama at Ilocandia ang kanyang balwarte. Ngunit hindi maaasahan ang mga Ilocano na dumukot at tustusan ang kanyang magastos na kampanya. Bantog ang mga Ilocano sa kanilang katipiran. Hindi mangangahas ni BBM na hingan ang mga Ilocano.



Kultura ang problema niya sa balwarte niya. Hindi sanay ang mga Ilocano na nagbibigay sa mga pulitiko. Mas sanay silang tumanggap. Malamang baligtarin siya at pagsabihan na ang dapat ay siya ang magbigay at hindi ang mga Ilocano.

Balitang hindi suportado ni Rodrigo Duterte si BBM. Kahit anak ni Rodrigo ang katambal, hindi maasahan dumukot si Rodrigo para sa kanya. Baka siya ang hingan ni Rodrigo kahit bilyon bilyong piso ang nawala sa kaban ng bayan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Walang balita kung may nagbibigay na malaking negosyo sa kampanya ni BBM. Kahit malaki ang abante niya sa mga nakakagulat na survey, hindi dumudukot ang mga negosyante upang gumastos sa kanyang kampanya. Bagsak ang negosyo dahil sa tindi ng pandemya at walang direksyon na polisiya ni Duterte. Napakahirap sa kanila ang dumukot. Bokya siya sa negosyo.

May may kroni ang ama ni BBM na maaaring pagkuhanan ng salaping pangkampanya. Ngunit pawang mga namatay na. Wala na sa mundong ibabaw sina Danding Cojuangco, Roberto Benedicto, Herminio Disini, Jose Yao Campos, at iba pa. Tanging si Lucio Tan ang nabubuhay, ngunit 87 anyos na at nakaratay. Ulyanin ang kanyang ina na si Imelda.

Walang balita kung nagbigay ang China na nabalitang nilapitan ni BBM sa suporta kapalit ang pagkampi sa Peking kung sakaling mahalal siyang pangulo sa Mayo 9. Bagaman may mga larawan na kasama ni BBM ang sugo ng China sa Filipinas, hindi ibig sabihin ay magbibigay ang China ng salapi sa kandidatura ni BBM.



Kailangan ang pagsang-ayon ni Rodrigo at alalay na si Bong Go bago buhusan ng China si BBM. Pro-China si Rodrigo at Bong Go. Sila ang mga alipin ng China sa bansa. Hindi ibibigay ni Rodrigo ang suporta kay BBM sa takot na masulot at tinarakan sa likod. Mukhang walang darating mula sa mga Intsik para sa kanyang kampanya.

Matindi ang mga kumakalat na balita at tsismis na kinansela ni BBM ang nakatakdang pulong sa ilang lalawigan. Walang ibuhos na pera na panghakot sa mga tao at panggastos sa pag-oorganisa. Sa mga kampanya sa Sorsogon, balwarte ni Leni, at Tarlac, balwarte ng mga Aquino, kaawa-awa si BBM dahil sa nipis ng mga dumalo na karamihan ay hinakot. Hindi dumalo si BBM sa mga pulong.

Sa mga umaasa sa salapi ni BBM, tinatawanan lang kayo sapagkat malaki ang palatandaan na walang darating. Maghihintay kayo sa wala.

***

TATLONG network ang inaasahan ni BBM na susuporta sa kanyang kandidatura. Una ang network ng mga burukrata, o mga lingkod bayan, kung saan mahigit sa tatlong milyon ang bilang ng mga taong gobyerno kabilang ang mga sundalo at pulis. Pangalawa ang network ng mga LGUs, kung saan nariyan ang mga halal ng bayan sa mga LGUs – mga gobernador, bise gobernador, alkalde at bise alkalde ng mga siyudad at bayan, at ang kanilang mga konsehal. Hindi kami magtaka kung lumipat ang mga local official sa kampo niLeni Robredo bago ang halalan. Lao na kung wala silang maaasahan na biyaya kay BBM.

Pangatlong network ang sa barangay. Aabot sa 92,000 ang kabuuang bilang ng barangay sa buong bansa. Labis na umaasa si BBM sa suporta ng mga opisyales ng barangay. Sila ang magdadala sa kanya sa mga botante sa ibaba. Malaking problema kung saan kukunin ni BBM ang pera para ipamigay sa mga opisyales ng mga barangay. May isang kapitan at anim na kagawad ang bawat barangay.

Noong Oktubre at Nobyembre, nagpakalat sila ng application forms sa iba’ibang barangay (hindi lahat para sa Volunteers for BBM. Awtomatikong nakakatanggap ang sinuman ng P2,000 o P3,000 basta pumirma lang sa application form. Siempre, isa iyang paraan para masiguro ang boto ng taong pipirma. Kumalat iyan bago mag-Pasko, ngunit biglang nawala nang pumasok ang 2022.

Kumalat ang ATM para sa ordinaryong botante. Umabot sa tatlong milyon ang napakawalang ATM. Pinangakuan na magkakaroon ng laman sa takdang panahon. Hindi ito nagklik sapagkat walang naideposito na anumang halaga. Hindi namin alam kung ano ang gagawin ng kampo ni BBM upang isalba ang kanyang kampanya. Bahala sila sa buhay nila.

***

SAMANTALA, tuloy tuloy lang ang kampanya ng tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan. Hindi sukat akalain ang tagumpay na kampanya sa mga pinuntahan nila – Iloilo City, Quezon City, Calapan City, Gen. Trias, Malolos City at iba pa. Masahol sa mag-asawang sampal ang ibinigay ng mga Kabitenyo sa magkapatid na Gobernador Jonvic at Boying ng nagdagsaan ang mga tao sa political rally ni Leni sa Gen. Trias.

Walang hakot, walang pakimkim, kanya-kanyang baon, kanya-kanyang gastos, at higit sa lahat masaya ang mga political rally. Buhay na buhay ang diwa ng bolunterismo at bayanihan. Pagkatapos ng pagtitipon, sama-samang dinampot ang kalat. Hindi pwede iwan ang pinagdausan ng rally na marumi at maraming kalat. Buhay ang people power kay Leni.

Kung kapos sa budget si BBM at patindi ng patindi ang pagkilos ng kampo ni Leni, hindi namin alam kung paano mananalo si BBM. Mukhang si BBM, ang pipitsuging anak ng diktador, ang pupulutin sa kangkungan. Hindi maaaring manalo si BBM sa pandaraya ng Comelec. Malaking gulo iyan at hindi kami magtaka kung sumiklab ang karahasan. Maghunos-dili sila.

***

MGA PILING SALITA: “Kung totoo ang sinasabi ni Boying Remulla na naghakot ang Team Leni-Kiko ng maraming tao, wala man lang nag video habang nangyayari ito? Nasaan ang Resibo?” – Sonny Trillanes

“Huwag magalit sa Catholic Church endorsement. Kasama sa trabaho nila ang exorcism.’ – Reb Atadero, netizen