Advertisers
HUMIRIT si Aksiyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa Kongreso na agarang magpasa ng batas ukol sa kaniyang panukala na bawasan ng 50% ang excise tax sa petrolyo.
Ginawa niya ang pahayag nang makapanayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, matapos na personal na inspeksiyunin ang mga food boxes na ipapamahagi sa may 700,000 pamilya na naninirahan sa Maynila.
“Kung may panahon pa sa Kongreso nananawagan din tayo na yung pino-propose natin na 50% tax cuts sa krudo at 50% tax cuts sa kuryente, kumbaga magpalugi muna tayo bilang gobyerno sa pagkalap ng buwis pero siya namang maibabalik natin na savings sa bawat pamilyang Pilipino,” ayon pa sa alkalde.
Paglilinaw naman niya, tanging suhestiyon lamang ang kaniyang magagawa dahil sa wala pa naman siya sa posisyon para maglabas ng direktiba sa mga mambabatas na miyembro ng Mababang Kongreso at Senado.
Matatandaang noong nakaraang taon, iminungkahi ni Moreno na hindi lang tapyasan ang buwis sa langis ngunit maging ang buwis sa kuryente ay kakaltasan rin ng kalahati.
Ayon sa alkalde, ang mga ito ang paraan para mapagaan ang buhay ng taumbayan habang unti-unting bumabangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ngayon aniyang labis na ang pagtaas sa presyo ng crude oil, dahil na rin sa gusot sa pagitan ng Russia at Ukraine at pagsirit ng inflation, sinabi ni Moreno na kailangan na ngayon ng agarang aksyon at ang Kongreso lang ang makakagawa nito.
Nabatid naman na may nakabinbin na panukalang batas na si Albay Rep. Joey Saceda na isinampa noon pang Nobyembre 2021 na layong tapyasan ang excise tax sa petrolyo kabilang ang zero tax sa diesel sa loob ng anim na buwan.
Inaasahan na aabot sa ?55 bilyon ang hindi masisingil ng gobyerno ngunit mapupunta naman sa taumbayan.
Kung maipapasa, aabot na lamang sa P7 kada litro ang singil sa excise tax ng gasolina mula sa ?10 kada litro na isinasaad ng Republic Act 110963 o ang TRAIN Law.
Sinabi ng alkalde na kung maipapasa, agad itong mararamdaman ng mga tsuper lalo na ng mga pampublikong behikulo na siyang labis na umaaray ngayon sa taas sa presyo ng diesel. (ANDI GARCIA)