Advertisers
BUKOD sa pagtapyas ng 50 percent sa produktong petrolyo at elektrisidad, pabibilisin ni kandidatong presidente Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pagpapatitulo ng mga lupang sakahan sa mga benipisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Bukod dito, pinangako rin ni Yorme Isko na mismong gobyerno ang bibili sa bigas at gulay ng mga lokal na magbubukid “sa tamang presyo upang kumita kayo at gumaan ang buhay ng inyong mga pamilya.”
Hindi niya papayagan ang importasyon ng pagkain sa panahon na masagana ang ani at kung kailangang dumaan sa butas ng karayom ang mga importer, gagawin niya ito, pangako ni Isko.
“Mag-i-invest po tayo sa agriculture, sa ating fisheries para sa ating food security, …the state must invest to our Filipino farmers. Kung maitataas natin ang kabuhayan ng magsasaka, magagawa nating burahin ang kahirapan sa ating bansa,” sabi ni Yorme Isko.
Sa Tabuk City, ikinagulat ni Yorme Isko ang masiglang pagtanggap sa kanyang tropa sa mga lalawigan ng Quirino, Isabela, Cagayan at Kalinga — na kilalang “Solid North” ni dating Presidente Ferdinand Marcos Sr.
” …basta ako masaya ako. Yung mga tao binibigyan at pinapakitaan nila kami nang mainit na pagtanggap…., nagsama-sama sila o nagpaparamdam sila na welcome tayo dito sa Kalinga,” sabi ni Yorme Isko.
Kung balwarte nga ng Marcos ang “Solid North,” hindi titigil ang Team Isko-Doc Willie sa pagsuyo sa mga botante.
“Naniniwala ako, ano mang tigas ng bulalo, lalambot din ‘yon. So, if there’s truth behind the question eh sana makaamot man lang ako ng kaunting boto, kahit kaunti lang masaya na ako,” sabi ni Isko.
Kasama sa pagbisita sa Norte, ipinaliwanag nina Doc Willie Ong, kandidatong bise-presidente at mga kandidatong senadors Dr. Carl Balita, Samira Gutoc, Jopet Sison at Bro. John Castriciones ang mga programang agad na gagawin ng admnistrasyong Moreno kung palaring manalo sa eleksiyon sa Mayo 2022.
“Magtatayo po tayo sa inyo ng isang moderno at state-of-the-art na regional hospital para may mapuntahan ang inyong mga minamahal na maysakit. ‘Yan ang aming commitment to the Quirino people especially dito sa area kung saan malaki ang kakulangan ng panggagamot at gamot,” sabi ni Doc Willie.
Sa pagbisita ng Team Isko-Doc Willie sa Quirino, Cauayan, Isabela at sa bayan ng Alicia, sinalubong sila ng maraming tao na sumisigaw sa katuwaan ng “We love Isko Moreno.”
Binalikan ito ni Yorme Isko at nina Doc Willie ng “God First “sign na ginaya ng karamihang tao.