Advertisers
INATASAN ng Malakanyang ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagkawala ng 31 mga sabungero.
Ang kautusan ay ipinalabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea bilang tugon sa Senate Re-solution 996 na pagkansela ng operation at license ng e-sabong (online cockfighting) hanggang hindi nalulutas ang pagkawala ng 31 mga sabungero.
Sa ipinalabas na memorandum ni Medialdea, inatasan nito ang PNP at NBI na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng 31 mga sabungero at magsumite ng kanilang report sa loob ng 30 araw sa Office of the President (OP) at sa Department of Justice (DOJ).
Kasabay nito inatasan din ni Medialdea ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na magsagawa ng imbestigasyon sa paglabag sa e-sabong license sa ilalim ng term and agreement at pagtiyak na nasusunod ang mga ito.
Hindi naman sinuspinde ng Malakanyang ang lisensya at operation ng e-sabong.
“Unless otherwise directed, the operations of e-sabong licensees must remain unaffected, pending the result of the investigations,” ani Medialdea.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Col. Jean Fajardo, PNP spokesperson, na nakatakdang maghain ng kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa 6 na security personnel ng Manila Arena kaugnay ng pagkawala ng 6 na sabungero.
Sinabi ni Fajardo na mayroong witness ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng pagkakasangkot na personnel sa nasabing insidente.
Ang reklamo ay kaugnay sa pagkawala ng mga biktimang sina Marlon Baccay, James Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum, Rowel Gomez, at John Claude Inonog sa Manila Arena noong January 13.
“Sa ngayon, limited pa lang po doon sa mga positively identified ng ating witness na siyang kumuha doon sa mga sabungero at isinakay doon sa van. Ngayon kung sino po ‘yung mga mastermind, yun pa rin po ang subject ng further investigation,” pahayag ni Fajardo. (Mark Obleada)