Advertisers
MALAYA ang sinoman sa kampo ng Team Isko-Doc Willie sa opinyon nila.
Tinawag kasi ni Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon Demokratiko, si dating senador Bongbong Marcos (BBM) na duwag sa pagtangging sumama sa debate ng mga tumatakbong pangulo.
Kung iyon ang nasa isip ni Lito Banayo — na kilalang mahusay na taga-isip ng taktika sa politika — kanya lang iyon, at hindi siya sang-ayon, sabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nang tanungin ng media.
Hindi siya payag sa gano’ng parunggit ni Banayo, pero kung sa palagay nito, “duwag” si Marcos, hindi raw niya kokontrahin iyon, paliwanag ni Isko.
May kanya-kanyang opinyon ang bawat tao, at iyon, aniya, ay kanyang iginagalang.
“He is entitled to his opinion. Kung iyon ang paniniwala niya, sarili niya iyon, wala tayong magagawa roon,” paliwanag ni Yorme Isko.
Kung tinawag ni Banayo na duwag sa debate at interbyu si BBM, na iba sa kanyang pakiramdam, iginagalang niya, sabi ni Yorme Isko, ang pakiramdam ng kasama niya sa partido — ito ay kahit naiiba o salungat sa kanyang opinyon.
Yan ang isa sa magandang ugali ni Isko: kahit salungat sa kanyang pakiramdam, iginagalang niya at itinuturing na karapatan ng kasama sa partido.
Hindi ba laging sinasabi ni Yorme Isko na sa Maynila, bago siya magdesisyon, hinihingi niya ang opinyon ng mga kasama laging bukas ang isip niya na maaaring iba sa pakiramdam niya ang maririnig niya pero iyon ay pakikinggan niya, titimbangin niya, saka siya nagdedesisyon.
Iyon ang diwa ng demokrasya: ang kalayaan ng bawat isa na sabihin ang pakiramdam, kahit man iyon ay salungat o kontra sa nasa isip ng iba.
Walang pinupwersa o pinipilit si Yorme Isko na sang-ayunan ang opinyon niya.
Mas mahalaga, sa kampanya, sa pag-iikot sa paghahayag ng mga programa ng gobyernong Moreno — kung siya ang mananalo sa eleksiyon sa Mayo 2022 –, magkakasama sila, hanggang maaari.
“Pag magkakasama kami, masaya kami,” sabi ni Yorme.
Sa isang press conference sa Maynila, sinabi ni Banayo na senyal ng pagkaduwag ni BBM ay ang pag-iwas o pagtangging sumali sa mga debate.
Kailangan sa isang nais maging presidente ay ang katapangang harapin ang mga isyu, panig man o kontra sa kanya ang isyung pag-uusapan.
Paano nga bang iboboto ang ganitong klaseng kandidato na sa debate o interbyu ay “naduduwag.”
Paliwanag pa ni Yorme Isko, ang mahalaga ngayon, sila ay nagtutulungan sa kampanya, at kung anoman ang personal na paniniwala ng tao, hindi niya iyon masyadong sinasaklawan.
Kung siya ang mananalo, “demokrasya ang iiral” sa kanyang gobyerno.
“Walang lugar sa aming gobyerno ang diktadurya, lahat ng aksyon at desisyon ay kasang-ayon ng ating mga batas, at ating mga kilos ay laging layon ay ang interes ng mas nakararami at kapakinabangan ng mamamayang Pilipino,” sabi ni Yorme Isko.(BP)