Advertisers
Muling hinimok ni Senator at Chair ng Senate Committee on Health and Demography Christopher “Bong” Go ang mga Filipino na mas maging mapagbantay at ipagpatuloy ang mahigpit na pagsunod sa health at safety protocols, ngayong ibinaba na sa COVID-19 Alert Level 1 ang National Capital Region at 38 pang lugar sa bansa hanggang sa March 15.
“Regardless of the downgraded alert level, everyone should stay watchful as we continue to fight COVID-19. It’s critical to realize that the health guidelines will only function if everyone follows the rules and cooperates,” pagbibigay diin ni Go.
“Huwag tayong makumpiyansa. Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng ating pandemic response at vaccine rollout. Mas palakasin pa natin ang pagbabakuna lalo na ng booster shots para hindi na tumaas muli ang kaso ng nagkakasakit,” dagdag pa niya.
Muli ring hinimok ng senador ang kanyang apela sa mga eligible Filipino na magpabakuna na sa lalong madaling panahon. Hinikayat din nito ang mga kuwalipikado na magpa-booster na rin para sa kanilang karagdagang proteksyon laban sa virus.
“Magpabakuna na sa pinakamalapit na vaccination site upang makuha ang proteksyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 na sakit at iba’t ibang variants nito,” sabi ni Go.
“Libre naman po ang bakuna mula sa gobyerno. Paraan din ito upang maprotektahan ang inyong mga pamilya at mga komunidad,” dagdag pa niya.
Hiniling ng mambabatas sa mga otoridad na tiyaking nasusunod ang health protocols para sa kaligtasan ng mga Filipino. Pinaalalahanan din nito ang publiko na panatilihin ang disiplina ngayong nag-adjust na ang bansa sa new normal.
“Siguraduhin natin na nakalatag na ang mga patakarang kailangan upang masigurong ligtas ang mga komunidad. Manatili po tayong disiplinado ngayong unti-unti nang nagbabalik sa normal ang ating pamumuhay. Alalahanin po natin na pinakaimportante ang buhay ng bawat Pilipino,” saad ng senador.
Pinasalamatan muli ni Go ang mga frontliner at lahat ng essential workers sa kanilang malasakit at sakripisyo para sa kanilang kapwa sa buong panahon ng pandemya, upang makausad ang bansa sa new normal.
“Sa huli, malaki at taus-puso ang aking pasasalamat sa lahat ng mga frontliners – mula sa mga doctors, nurses, ibang healthcare workers, utility personnel, security guards, kapulisan at kasundaluhan, mga opisyal sa barangay, mga market vendors, ordinaryong manggagawa at lahat ng mga Pilipinong nagmamalasakit sa kapwa,” sabi ni Go.
“Patuloy lang tayong makiisa sa gobyerno upang malampasan natin ito bilang isang mas matatag at nagkakaisang bansa,” saad pa niya.