Advertisers
DISMAYADO si Senate President Vicente Sotto III sa kautusan ng Palasyo na nagpahintulot sa pagpapatuloy ng operasyon ng online sabong sa kabila ng panawagan ng mga senador na masuspinde ito habang iniimbestigahan ang kaso ng 34 na nawawalang sabungeros.
Sinabi ni Sotto na ang pagkadismaya ng Senado ay hindi maikukumpara sa nadaramang pagkadismaya ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungeros.
“The disappointment of the Senate cannot compare to the disappointment of the families affected,” wika ni Sotto sa press conference sa Pasig City.
“When I say families affected, hindi lang ‘yung may nawawalang mga kaanak, ‘yung mga nagrereklamong pamilya dahil namomroblema sila sa kanilang kapamilya na nalululong sa e-sabong. Double disappointment kaysa sa amin,” banggit pa ni Sotto.
Ipinunto ng senador na walang saysay ang paggawa ng apela sa Malacañang.
Ikinalulungkot din ni Sotto na ipinarating pa ng Philippine Aamusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isyu sa Malacañang kahit maaari naman ito umaksyon ng mag-isa.
Giit ni Sotto na nasa ilalim ng kapangyarihan ng PAGCOR ang pagsuspinde ng lisensya base sa batas.
Nabatid na inihain noong nakaraang linggo ang Senate Resolution 996 na pinirmahan ng tinatayang 23 senador, kung saan ay hinihimok nito ang PAGCOR na suspendihin ang mga lisensya ng e-sabong operators hanggang hindi nareresolba ang kaso ng mga nawawalang sabungeros. (Mylene Alfonso)