Advertisers
INIATRAS na ng ilang transport group ang petisyon para sa P1 na dagdag-pasahe sa jeep matapos ang pakikipagdayalogo sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni Pasang Masda national president Obet Martin, binalaan sila ni DOTr Sec. Art Tugade tungkol sa posibilidad ng inflation kapag nagtaas ng pamasahe.
Bukod dito, inihayag umano ni Tugade na dinoble na ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga driver at operator.
Mula sa orihinal na P2.5 bilyon ay ginawa na itong P5 bilyon ng pamahalaan.
Ibig sabihin, sa halip na P6,500 ay nasa P13,000 na ang matatanggap na subsidiya ng bawat drayber na ilalabas ng dalawang bugso, ngayong Marso at sa Abril.
Bukod sa Pasang Masda, ang iba pang transport group na nakipag-usap sa DOTr ay Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Al-liance of Concerned Transport Organization (ACTO), at 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK).
Ang petisyon na ilalarga sana ng mga transport group ay para itaas ang pamasahe sa jeep dahil na rin sa walang humpay na pagmahal ng presyo ng gasolina.
Sa ngayon, nananatili sa P9 ang minimum na pamasahe sa jeep.