Advertisers
HINDI payag ang pamunuan ng OCTA Research Group na itigil na ang pagsusuot ng face masks laban sa COVID-19.
Ito ang tugon ng naturang independent monitoring group kasunod ng pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III kamakailan na pinag-uusapan na ng mga opisyal ng pamahalaan ang posibilidad na ilagay sa Alert Level 0 ang bansa, ngayong patuloy na bumababa ang mga bilang ng mga bagong COVID-19 cases na naitatala sa bansa, kabilang na ang Metro Manila.
Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, sa ngayon ay mahirap magkomento kung handa na nga ba ang bansa sa Alert Level 0 dahil hindi pa nila batid kung ano ang sakop nito at kaibahan sa umiiral ngayong pinakamaluwag na Alert Level 1.
Gayunman, kung nangangahulugan aniya ang naturang alerto na ititigil na ang pagsusuot ng face masks ay tutol sila dito dahil masyado pa itong maaga para isagawa sa ngayon.
“It is difficult to comment if we are ready for Alert Level 0 if we don’t know what it covers but if it means removing face masks, I think it is too early for that,” sabi ni David.
Samantala, ikinatuwa rin naman ni David na ang 598 bagong kaso ng sakit na naitala sa bansa nitong Biyernes at mas mababa sa kanilang prediksiyon na 650.
Kabilang sa mga bagong kaso ay mula sa NCR na nasa 149, Calabarzon na may 90, at Western Visayas na may 66.
Ang national positive rate naman aniya ay naitala sa 3.3%. (ANDI GARCIA)