Advertisers

Advertisers

PCGG: ANO ANG TOTOO SA P203-B ESTATE TAX NG PAMILYA MARCOS?

0 620

Advertisers

SA isang sulat na ipinadala ng Aksyon Demokratiko sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), itinatanong kung ano ang totoo na may nagaganap nang pag-uusap ang PCGG at Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa hindi binabayarang P203-Bilyong utang na estate taxes ng pamilya Marcos.

Sa sulat ni Aksyon Chairman Ernest Ramel, petsang Marso 3, binanggit ang sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, spokesman ni dating Senador Bongbong ‘BBM’ Marcos Jr. na may kasunduan na ang BIR at PCGG tungkol sa utang ng pamilya Marcos sa gobyerno.

Bilang isang taxpayer, at mamamayan ng Republika, sinabi ni Ramel sa PCGG kung totoo ang pahayag ni Atty. Rodriguez.



Simple lang ang tanong, sabi ni Ramel sa kanyang sulat at masasagot ito ng ‘Yes’ or ‘No.’

Kung ‘Yes’ ang sagot, kailangang ipaliwanag ni PCGG Chairman John Agbayani ang lahat ng detalye sa kasunduan dahil ito ay “matter of public interest.”

Pero kung ang sagot ay ‘No,’ patunay ito na nagsisinungaling ang kampo ni Bongbong Marcos, sabi ni Ramel.

Hindi maaaring balewalalin lang ang utang ng pamilya Marcos, sabi ng kampo ni Aksyon Demokratiko presidential bet, Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Una rito, ipinangako ni Yorme Isko na kung siya ang pangulo, kapag nasingil ang P203.819 bilyon, ipamimigay niya ang perang iyon bilang ayuda sa milyon-milyong Pilipino na nahihirapan at nagugutom at sa mga nawalan ng trabaho gawa ng pandemya.



Kamakailan, sinulatan din ni Ramel si BIR Commissioner Caesar R. Dulay at tinanong kung pinadalhan ng bagong written demand ang pamilya Marcos sa hindi pa nababayarang P203-Billion utang sa gobyerno ng Pilipinas.

Sa sulat kay Dulay, sinabi ni Ramel na sa nakalipas na 32 taon, hindi naghain ng estate tax return sa BIR ang biyuda at mga anak ng namayapang dating Presidente Ferdinand Marcos.

At hanggang ngayong 2022, hindi pa rin nagbabayad ng estate tax ang mga Marcos, sabi ni Ramel.

Babala ni Ramel, kailangang magpadala uli ng bagong written demands ang BIR na bayaran ng pamilya Marcos ang utang na estate tax at kung hindi ito gagawin tuwing limang taon, maaaring hindi na ito masingil pa.

Matalim ang pahayag ni Ramel laban sa mga Marcos na ang pagtangging magbayad ay malinaw na pagpapakita ng “abuse of power” at paglabag sa batas ng gobyerno.

Ito, sabi pa, ay “kawalan ng respeto sa mamamayan na masunurin sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan.”

Ani Ramel, hindi dapat tinutularan “ang ganitong klaseng karakter at pag-uugali.”

Hinamon niya si Bongbong Marcos na ipakita ang pagiging sinsero sa mamamayan.

“… Kung talagang sinsero sa sinasabi niyang (Marcos Jr.) ‘kilusan ng pagkakaisa’, nararapat lamang na magbayad sila ng takdang buwis na ngayon ay nasa P200-B na,” sabi ni Ramel.