Advertisers
HINDI pa itinuturing bilang ‘new normal’ ang Alert Level 1 sa COVID-19.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje nitong Sabado nang dumalo sa idinaos na Laging Handa briefing.
“Sa pananaw ng ating mga eksperto, ang Alert Level 1 ay hindi pa ‘yung new normal. Papunta pa lang sa normal ‘yan, it should be Alert Level 0,” ayon pa kay Cabotaje.
Ipinaliwanag ni Cabotaje na marami pang sukatan na dapat na ikonsidera bago ipatupad ang Alert Level 0, kabilang dito ang vaccination rates, partikular na sa mga senior citizens na siya aniyang madalas na naoospital at mas malubha kung dapuan ng sakit.
“Kaya kailangan increase pa natin ang bakunahan ng ating senior citizens. So we would like to push for increasing the vaccination rates and vaccination of our senior citizens,” aniya pa.
Ang Metro Manila at 38 lugar pa sa bansa ay kasalukuyang nasa ilalim na ng Alert Level 1 hanggang sa Marso 15. (Andi Garcia)