Advertisers
HINDI pa nasasampahan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga umano’y sangkot na mga indibidwal sa pagkawala ng mga sabungero.
Ito ay sa kabila ng naunang pangako na noong nakaraang linggo ay maghaharap ng kaso ng kidnapping at serious illegal detention ang CIDG laban sa mga security personnel ng Manila Arena kung saan huling nakita ang anim na kasama sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay CIDG Spokesperson, PLt. Col. Marissa Bruno wala pa silang feedback sa kanilang mga imbestigador na may hawak ng kaso.
Pero pahayag ni PNP PIO Chief, PBGen. Roderick Alba, ipinupursige ng mga tauhan ng CIDG ang imbestigasyon at unti-unti nang may mga nakukuhang ebidensya.
Una nito ay nagdesisyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na suspindehin ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero na umabot na sa 34 upang bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP at NBI.
Sinabi ni Alba patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CIDG hinggil sa nasabing kaso.