Advertisers
IBINAHAGI ni Senator Christopher “Bong” Go ang ilan sa kanyang mga reyalisasyon o natutuhan tungkol sa pulitika sa bansa nang ihayag niya na sinimulan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-iimpake ng mga gamit bilang paghahanda sa paglisan sa Palasyo ng Malacañang.
Sa isang ambush interview matapos niyang bisitahin ang mga biktima ng sunog sa Baseco Port Area, Maynila, ibinahagi ni Go ang mga pagkakaiba na kanyang nasaksihan sa pagitan ng oras na nakatakdang lumipat si Duterte sa Malacañang sa simula ng kanyang termino at ngayon, habang naghahanda siyang umalis.
“Alam niyo ang pinakamahirap sa lahat ‘yung pagliligpit na, ‘yung pauwi ka na. Noong unang panahon ang dami mong kasama pagpasok, ang daming gustong tumulong, nagpepresinta,” sabi ni Go.
“Pagpalabas na, mapapansin mo na unti-unti na pong nawawala rin ang gustong tumulong. Sine-secure na po nila ang kanilang sarili at naiintindihan naman namin. Well, that is politics,” idinagdag niya.
Sinabi ng senador na mismong si Pangulong Duterte ay tanggapan ang nasabing reyalidad sa buhay at pulitika.
“Unti-unti na rin po niyang natatanggap dahil ganoon naman po talaga ang buhay, bilog. Minsan dito ka, at naranasan na niya ang ganoong buhay.”
“Naging Mayor, bumaba as Vice Mayor, umangat as Mayor at naging Pangulo. Alam na po niya ‘yung reality of life,” patuloy ni Go.
Isang taga-Davao City mismo, sinabi rin ni Go na kailangang ibalik ng Pangulo ang lahat ng kanilang dinala sa Palasyo habang naghahanda ang huli para sa buhay na lampas sa pulitika.
“Hindi naman kami mga taga-Maynila na nandidito lang po ang aming mga tirahan. So kailangan ring magligpit dalhin sa … kung anong dinala mo ng papunta rito, ‘yun din ‘yung bubuhatin mo pauwi,” ani Go.
“Mas mabuti na ‘yung nasanay ka na sa buhay ng retirement, ‘yun po ang inaantabayanan ng ating Pangulo,” anang senador.
Gayunpaman, nanindigan si Go na patuloy na ginagampanan ni Duterte ang kanyang mga tungkulin bilang Pangulo, at tinitiyak na walang mawawalang oras sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino hanggang sa matapos ang kanyang termino.
“Talagang patuloy siyang magtatrabaho hanggang sa huling araw ng kanyang termino,” idiniin ng senador.
Sinabi pa ni Go na tinitiyak ni Duterte ang tuluy-tuloy na paglipat ng kapangyarihan para sa susunod na administrasyon.
“Gusto niyang siguraduhing maayos ang transition patungo sa susunod na administrasyon ng kung sino man ang pipiliin ng taumbayan sa halalan,” ayon kay Go.