Advertisers
“WALANG kredibilidad ang anak ko para tumestigo”.
Ito ang pahayag ng Pangasinan journo na si Jaime Aquino na mariing itinanggi ang mga paratang ng kanyang anak laban sa kanya dahil ito aniya ay sinungaling, may bisyo at nagpapagamit lamang sa mga taong maimpluwensya kapalit ng malaking halaga.
Sa isang press conference, sinabi ni Aquino na ang kanyang anak na si Justine ay baon sa utang dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at nahaharap din aniya ito sa patong-patong na kaso sa Pangasinan.
Idinagdag pa ni Aquino na hindi nakapagtapos ng high school ang kanyang anak at hindi marunong magmaneho. Kaya nagtataka siya kung paano ito nakaharap sa isang press conference noong nakaraang linggo kung walang taong nasa likod nito at nagmamanipula.
Sa naturang prescon ay mariing pinabulaanan ni Aquino na may kinalaman ang mag-asawang Congresswoman Helen Tan at DWPH Regional Director Ronnel Tan na itinuturo ni Justine na nagbayad sa kanya (Aquino) para ituro ang isang konsehal ng Quezon province sa kasong panghahalay.
Bilang pagpapatunay, aniya, na walang kredibilidad si Justine na tumestigo ay sinabi ni Aquino na noong Pebrero 2013 ay mayroon narin kumuha sa kanyang anak na noon ay 16 anyos pa lamang para tumestigo laban sa mamamahayag para iugnay ito sa pagpatay sa dating alkalde ng Infanta, Quezon.
Dito ay naghain ng ‘petition for writ of amparo’ si Aquino para makuha ang kostodiya ng anak dahil wala itong personal na nalalaman o naging saksi sa nangyaring krimen noong Disyembre 2012 sa Infanta.
Paliwanag pa ni Aquino, hindi niya personal na kilala ang mag-asawa at minsan lang niya nakita si RD Tan sa isang coverage sa Pangasinan.
Tinangka ng pahayagang ito na kunin ang panig ni Justine, pero hindi ito mahagilap hanggang sa sinusulat ang balitang ito.